266 total views
March 28, 2020, 12:55PM
Tiniyak ng Obispo ng Diocese ng Kalookan ang pagtanggap sa mga frontliner workers na walang matutuluyan.
Ito ang tugon ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice-President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay sa ulat na pinapaalis na sa kanilang tinutuluyan ang ilang mga medical workers dahil sa pangambang makapag-uwi ng nakakahawang corona virus disease.
Ayon kay Bishop David, nakahanda at bukas ang dormitory ng diyosesis sa mga frontliners na nangangailangan ng masisilungan.
“Our frontliners will be most welcome in dorms and bedrooms of religious and diocesan formation centers and retreat houses,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Bishop David.
Sinabi ng obispo na magsisilbing contact person ng mga health care provider na nangangailangan ng matutuluyan si Fr. Angel Cortez,OFM ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) para sa religious at retreat houses na tutuluyan ng mga medical worker na malapit sa kanilang pinalilingkurang hospital.
Ang A-M-R-S-P ay binubuo ng 283 Religious congregations.
Nagpalabas rin ng circular ang Catholic Bishops Conference of the Philippines at hinihikayat ang may 86 na diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa na buksan ang kanilang mga parokya at pasilidad bilang pansamantalang tahanan.
Ang Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora de Guia sa Ermita, Manila ay magbibigay ng tutuluyan para sa mga frontliners mula sa Manila Doctors hospital.
Ayon sa pamunuan ng Ermita Shrine ; “We will accommodate 33 Medical Frontliners from Manila Doctors Hospital.”
Ang dambana ay may 17 silid para sa isang tao, isang silid na may dalawang higaan at dalawang dormitoryo para sa 15 katao.
Ang Nazarene Catholic School naman ang tumatanggap ng mga health care workers na nagsisilbi mula sa San Lazaro Hospital.
Ilang pang mga temporary shelters ng binuksan ng simbahan ay ang St. Mary’s College sa Quezon City; St. Anthony Shrine Sampaloc, Manila; Holy Spirit Convent-Quezon City, at FMM Convent Pandacan, Manila.
Habang ilan pang katolikong paaralan ang naging pansamantalang tahanan ng mga taong lansangan sa loob ng isang buwang pag-iral ng community quarantine.