Kahalagahan ng mga katutubo, kinilala ni Bishop Santos
2,054 total views
Inihayag ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang kahalagahan ng mga katutubo sa pamamagitan ng kanilang mga kultura, tradisyon, at ambag sa lipunan.
Ayon kay Bishop Santos, na siya ring kura paroko ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral, ang mayamang kultura ng mga katutubo ay hindi lamang bahagi ng kasaysayan kundi mahalagang bahagi rin ng pagkakakilanlan bilang isang bansa.
Gayunman, ang mga katutubong pamayanan ay nahaharap sa matitinding pagsubok tulad pagkamkam sa kanilang mga lupaing ninuno kapalit ng mapaminsalang pag-unlad.
“Their enduring spirit and heritage are vital threads in the fabric of our society. As we reflect on their invaluable presence, let us remember our shared responsibility to support and uplift our Indigenous brothers and sisters. They face unique challenges and injustices that require our collective action and compassion,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Nananawagan ang obispo sa bawat mananampalataya, na buksan ang mga puso’t isipan at pakinggan nang may pag-unawa ang karanasan ng mga katutubong pamayanan.
Hinahamon din ni Bishop Santos ang mga kinauukulan lalo na ang mga nasa pamahalaan na bigyang-prayoridad ang kapakanan at karapatan ng mga katutubo.
“Ensure their voices are heard and their needs are met with justice and respect. Invest in their communities, protect their lands, and honor their cultural heritage,” saad ng obispo.
Hinihikayat ng obispo ang sambayanang Pilipino na magtulungan at maging liwanag ng pag-asa para sa mga katutubo upang malagpasan ang mga hamong dulot ng pananamantala sa mga likas na yamang kanilang pinakainiingatan.
“Together, we can create a world where every indigenous person is valued and respected, where their traditions are celebrated, and where their future is bright and secure. With hope and determination, let us commit to this noble cause,” hamon ni Bishop Santos.
Ginugunita ngayong Oktubre ang National Indigenous Peoples’ Month 2024 at ang ika-27 anibersaryo ng pagsasabatas sa Indigenous Peoples Rights Act of 1997.
Tema ng pagdiriwang ang “Mga Katutubo at Katutubong Dunong: Pahalagahan, Pangalagaan, at Parangalan”.
Ipagdiriwang din ng simbahan sa October 13 ang Linggo ng mga Katutubo na ang tema para sa susunod na dalawang taon ay “Lakbay-Laya: Kalakbay nang may Pag-asa sa Lupaing Ninuno”.