
Pagkakahirang kay Bishop Ayuban na chairman ng CBCP-ECMRBCP, welcome sa CMSP
6,090 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) sa pagkakahirang kay Cubao Bishop Elias Ayuban Jr., CMF bilang bagong chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commission on Mutual Relations Between Bishop and Consecrated Persons.
Ayon sa CMSP kaisa ng Simbahan ang organisasyon ng mga relihiyoso at relihiyosa sa bansa sa kagalakan sa pagkakahalal kay Bishop Ayuban upang pangasiwaan ang nasabing komisyon.
Sa naganap na 130th Plenary Assembly ng CBCP sa Anda, Bohol noong ika-5 hanggang ika-7 ng Hulyo, 2025 ay inihalal ng kalipunan ng mga Obispo si Bishop Ayuban upang pangasiwaan ang pagsusulong sa pakikipagdayalogo at pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga Obispo at mga relihiyoso at relihiyosa sa bansa.
Ipinapalangin naman ng CMSP, ang paggabay at patnubay ng Banal na Espiritu kay Bishop Ayuban sa pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng mga lingkod ng Simbahang Katolika.
“Congratulations, Most Rev. Elias L. Ayuban, Jr., CMF, DD! The Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) joins the Church in celebrating your appointment as the Newly Elected Chairman of the CBCP Episcopal Commission on Mutual Relations Between Bishop and Consecrated Persons. Your pastoral leadership and deep commitment to the Church truly inspire us. May the Holy Spirit continue to guide you in strengthening the bond between the hierarchy and consecrated life in the Philippines.” bahagi ng pabati ng CMSP.
Magsisimula ang bagong katungkulan ni Bishop Ayuban bilang hahalili ni Cubao Bishop-emeritus Honesto Ongtioco sa December 1, 2025 kung saan magtatapos ang termino ng mga nakalipas na opisyal sa November 30, 2025.
Ang mga opisyal ng CBCP ay maglilingkod sa loob ng dalawang taon para sa isang termino at maaring muling ihalal sa pangalawang termino o kabuuang apat na taong pamumuno.
Kasalukuyang may 126 na miyembro ang CBCP kung saan 87 ang aktibong obispo, 38 ang mga retirado at tatlong diocesan priest-administrators.