47,712 total views
Mga Kapanalig, tag-ulan na nga! Marahil binaha, nasuspinde ang mga klase ng inyong mga anak, o umuwi kayong basang-basa nitong nakaraang linggo. Maging handa tayo dahil inaasahang lalakas pa ang mga ulan. Ganito na po talaga ngayon—kung hindi extreme heat, extreme rainfall! Pinalalalâ ang mga ito ng climate change.
Noong isang linggo rin, naglabas ng pahayag ang mga lider ng Simbahang Katolika sa Africa, Asya, at Latin America tungkol sa tila papetiks-petiks nating pagtugon sa climate change. Anila, isang dekada na ang lumipas mula nang lagdaan ang Paris Agreement at ilabas ng yumaong Pope Francis ang Laudato Si’, pero wala pa ring sense of urgency ang mga bansa.
Ang Paris Agreement ay isang kasunduang nilagdaan ng 195 na bansa sa 21st Conference of Parties (o COP) ng United Nations Framework Convention on Climate Change. Layunin ng kasunduang ito na bawasan ang greenhouse gas emissions na nagdudulot na pag-init ng mundo. Ilan sa mga bunga ng pag-init ng mundo ay malalakas na bagyo, matitinding tagtuyot, at pagtaas ng sea level. Ang kasunduan ay naglalaman ng mga pangakong hakbang ng mga bansa, lalo na ng mga major polluters o mga bansang may pinakamatataas na greenhouse gas emissions. Hindi dapat lumampas sa 1.5°C ang average na pagtaas ng temperatura ng mundo.
Nabigo tayo, mga Kapanalig.
Patuloy nating nadarama o tumitindi pa nga ang mga bagyo, pagtaas ng tubig-dagat, at tagtuyot. Bilang isa ang Pilipinas sa mga bansang pinakalantad sa mga epekto ng climate change, ramdam na ramdam natin ito. Ayon sa 2025 Climate Risk Index Report, halos 400 extreme weather events ang tumama sa Pilipinas sa huling tatlong dekada. Nagdulot ang mga ito ng pinasalang nagkakahalaga ng 34 bilyong dolyar o mahigit isang trilyong piso. Hindi pa kasama rito ang mga buhay na nawala; walang katumbas na halaga ang buhay ng tao.
Kasabay ng paggunita sa isang dekada ng Paris Agreement, inaalala din natin ang isang dekada ng pagkakalathala ng Laudato Si’. Nilalaman nito ang panawagan ni Pope Francis para sa ating sama-samang pagkilos para sa ating kalikasan. Paalala ng yumaong Santo Papa, karugtong ng ating dignidad ang kalagayan ng ating kalikasan. Sa pagkasira at pagkakaabuso sa kalikasan, tumatangis ito.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, tinatawag na collective good ang kalikasan. Ibig sabihin, biyaya ito para sa lahat. Ang pangangalaga sa kalikasan ay tungkulin nating lahat at malaking hamon din. Sinasabi sa Genesis 2:15 na tayo ay “iniligay sa halamanan ng Eden upang alagaan at ingatan” ito. Sa pag-iingat ng biyayang ito, kailangan nating siguruhing bawat gawain nating mga tao ay hindi nauuwi sa pang-aabuso sa kalikasan. Dapat naisasaalang-alang ang kabutihang panlahat o common good, kasama rito ang kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
Balikan natin ang panawagan ng mga obispo mula sa iba’t ibang kontinente. Mayroon silang tatlong pangunahing panawagan sa kanilang pahayag.
Una, equity! Nanawagan silang magbayad ng ecological debt ang mga major polluters sa mga bansang labis na agrabyado sa harap ng climate change, lalo na sa Africa, Asya, Latin America, Carribean, at Oceania.
Pangalawa, justice! Tama na ang pang-aabuso sa kalikasan. I-phase out na ang fossil fuels! Patawan ng tamang buwis ang mga nakikinabang sa mga ito. Oras na para unahin ang kabutihan ng mga komunidad na pinakaapektado ng climate change at mga sakuna.
Panghuli, protect! Ipagtanggol natin ang kalikasan, ang mga katutubong tagapangalaga nito, at ang mahihirap na komunidad.
Hindi mananahimik ang Simbahan. Patuloy tayong magsasalita kasama ng mga siyentipiko at mga apektadong komunidad. Mananawagan tayo gamit ang katotohanan. Mananawagan tayo nang walang pasubali hanggang makamit natin ang katarungan para sa kalikasan!
Sumainyo ang katotohanan.