18,303 total views
Itatampok ng Radyo Veritas ang buong buwan ng Pebrero na “Healing Month.”
Ito’y paanyaya sa mga mananampalataya na makiisa sa mga pagdiriwang ng banal na misa sa Radyo Veritas Chapel.
Ayon kay Renee Jose ng Religious Department ng himpilan, layunin ng inisyatiba na higit pang paigtingin ang misyon ng Radyo Veritas na abutin ang mga may karamdaman at tulungang makasumpong ng kagalingan sa pamamagitan ng mga sakramento ng Simbahan.
Ibinahagi ni Jose na kabilang sa mga tampok na gawain ngayong buwan ang healing masses at ang public veneration ng mga relikya ng mga banal na kinikilalang katuwang sa pananalangin para sa kagalingan ng mga maysakit.
Sa February 2, sa Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo, pangungunahan ng Kamay ni Hesus healing priest na si Fr. Joey Faller ang banal na misa at healing sessions alas-dose ng tanghali.
Sa February 3 naman, sa kapistahan ni San Blas, magkakaroon ng pagbabasbas at healing sessions, lalo na para sa mga may karamdaman sa lalamunan.
Sa February 4, bilang pagdiriwang ng National Cancer Awareness Day, dadalaw sa himpilan ang relikya ni San Ezequiel Moreno, patron ng mga may cancer.
Samantala, sa February 11, World Day of the Sick at kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes, ang mga hospital chaplains naman ang mangunguna sa mga banal na misa ng himpilan.
Inaanyayahan ni Jose ang mga tagasubaybay ng Radyo Veritas na personal na makiisa sa mga banal na misa na ginaganap araw-araw alas-6 ng umaga, alas-12 ng tanghali, alas-6 ng gabi, at alas-12 ng hatinggabi.
Para sa mga nais maging Eucharistic Advocate ng himpilan, makipag-ugnayan sa (02) 8925-7931 local 129, 131, at 137, o sa 0917-631-4589.




