104,913 total views
Mga Kapanalig, kumusta ang inyong mga social media feed nitong nakaraang linggo? Punô ba ito ng mga balita, opinyon, o kaya naman ay memes tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte?
Mabilis na nagbigay ang mga netizens ng kani-kanilang opinyon sa nangyaring pag-aresto sa dating presidente. Naging mas lantad ang malaking pagkakaiba ng paninindigan sa pulitika ng ating mga kababayang aktibong mag-post, comment, react, at share. Kaya naman ginamit din ng marami ang oportunidad na ito para salain ang kanilang friends list at mag-unfriend sa Facebook ng mga may pulitikal na paniniwala na salungat sa kanila.
Ginawa n’yo rin ba ito, mga Kapanalig?
Kung ating ia-unfriend ang mga kakilala nating iba ang pulitikal na paniniwala, mawawala ang pagkakataong anyayahan silang intindihin ang ating mga pananaw. Ang matitira na lamang sa ating friends list ay ang mga kaparehas natin ng opinyon. Ibig sabihin, mawawala rin ang oportunidad na maimbitahan natin ang mga may ibang paniniwala na mas malalim na pag-isipan ang kanilang mga paninindigan.
Kung hindi man natin sila ia-unfriend, pero aawayin naman natin sila sa comments section, hindi rin sila mahihikayat na pakinggan ang ating pananaw. Sa ating agarang paggamit ng masasamang salita at pagturing sa mga may ibang paniniwala bilang “kaaway,” lalo lang natin silang itinutulak palayo. Nawawala ang pagkakataong maintindihan natin ang pinanggagalingan ng isa’t isa.
Sa thanksgiving mass sa EDSA Shrine na ginanap isang araw matapos arestuhin si dating Pangulong Duterte, pinaalalahanan ni Kiko Aquino Dee, apo ni dating Pangulong Cory Aquino at direktor ng Ninoy and Cory Aquino Foundation, ang lahat na mahalagang pakinggan palagi ang magkabilang panig. Importante daw ito dahil ang paniniwala ng bawat isa sa atin ay may pinanggagalingan. Halimbawa, ang pagsuporta ng isang tao sa drug war ay dahil marahil sa nakaranas siya ng karahasan sa kamay ng isang tao na gumagamit ng droga. Sa huli, inanyayahan ni Aquino Dee ang lahat na patuloy na isulong ang hustisya para hindi na makaranas ng anumang porma ng karahasan ang sinuman.
Kaya naman, sa ating pakikipag-usap sa iba, ugaliin nating makinig muna. Sa isang banda, hindi natin layuning magkawatak-watak, na mas lumaki pa ang hidwaan sa pagitan ng mga magkakaiba ang pananaw sa pulitika. Sa kabilang banda naman, hindi rin dapat tayo magkaroon ng iisang isip lamang. Layunin nating magkaroon ng isang lipunang makatarungan kung saan mapayapang nakikipag-ugnayan ang mga tao sa kabila ng pagkakaiba ng mga pananaw. Sa ganitong paraan, sama-sama tayong makakikilos sa pagkamit ng isang lipunang maunlad at walang isinasantabi.
Masisimulan natin ito sa pamamagitan ng pag-intindi muna kung saan nanggagaling ang paninindigan ng bawat isa. li na huwag mahulog sa bitag ng mga fake news. Matuto tayo sa isa’t isa, hanggang sa makarating tayo sa mga opinyon at paniniwalang batay sa ebidensya, nakabubuti sa lahat, at nakaugat sa katotohanan. Huwag tayong mananatili sa tinatawag na “echo chamber,” kung saan ang mga may kaparehas na paniniwala lamang ang nagkakausap-usap. Makipagdiyalogo tayo dahil, gaya ng sabi ni Pope Francis, ito ang daan tungo sa maayos na pakikitungo sa iba.
Mga Kapanalig, “daigin [natin] ng mabuti ang masama,” gaya ng sabi sa Roma 12:21. Pakinggan at kausapin natin nang mahinahon ang mga kapatid nating may ibang paniniwala sa atin. Hinding-hindi magiging sagot ang pag-unfriend at pang-aaway, online man o offline.