5,341 total views
Solemnity of the Epiphany of the Lord
Pro Nigritis Sunday (African Mission)
Is 60:1-6 Eph 3:2-3.5-6 Mt 2:1-12
Hindi mawawala sa eksena ng Pasko ang Tatlong Hari. Ngayong araw po, ang unang Linggo pagkatapos ng Christmas Octave, ay ang tradisyonal na tinatawag nating Feast of the Three Kings. Pero hindi po angkop ang pangalang ito kasi hindi naman sinasabi sa Banal na Kasulatan na ang dumalaw sa sanggol na si Jesus ay mga hari, ni hindi naman sila tatlo. Oo, may tatlo silang dalang regalo pero hindi natin alam kung sila ay tatlo. Ang binibigyang kahulugan ng kapistahan ngayon ay hindi ang mga dumalaw kay Jesus kundi ang kahulugan ng pangyayari, na walang iba kundi ang pagpapakita, ang pagpapahayag ni Jesus sa lahat ng mga bansa. Kaya ang tamang pagtawag sa kapistahang ito ay Feast of the Epiphany of the Lord, o kapistahan ng Pagpapahayag o Pagpapakita ng Panginoon.
Ang Anak ng Diyos ay naging tao. Para kanino siya dumating? Siya ay ipinangako sa mga Hudyo, pero siya ay dumating para sa lahat ng mga tao. Ito ang lihim na ipinagkatiwala kay San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. “Sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Hudyo, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi din sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Jesus.” Hindi lang siya dumating para sa isang lahi, o sa isang pangkat. Si Jesus ay dumating para sa lahat! Kaya ayon kay propeta Isaias sa ating unang pagbasa, darating ang mga tao sa lahat ng panig ng daigdig, nakasakay sa mga kamelyo at iba pang sasakyang panlakbay, dala-dala ang maraming regalo, tulad ng ginto at kamanyang. Sila ay nililiwanagan ng kaningningan ng Diyos upang makipagtagpo sa Panginoon. Ito ay ipinangako mga limang daang taon bago dumating si Jesus.
Ang pangakong ito ay inilarawan ng mga pantas. Sila ay galing sa Silangan, sa labas ng teritoryo ng mga Israelita. Hindi sila mga Hudyo, kaya iba-iba ang kulay ng kutis nila. Sila ay ginabayan ng liwanag ng bituin. Kaya maaaring sila ay mga mag-aaral ng mga bituin, mga astrologers, o noong panahon kilala na mga magi. Ang bituin na kanilang sinundan ay nagpapahiwatig ng pagdating ng Hari ng mga Hudyo, isang katangi-tanging hari. Ganoon kalakas ang kanilang paniniwala na iniwan nila ang kanilang mga lugar upang sundan ang bituing ito. Maaaring naglakbay sila ng mga dalawang taon. Dinala sila ng bituin sa Jerusalem at doon may confirmation sa kanilang hinahanap. Ang confirmation ay galing sa Banal na Kasulatan ng mga Hudyo. Sa Betlehem ng Judea doon ay isisilang ang isang mamumuno sa bayan ng Israel.
Ang Diyos ay gumagamit ng iba’t-ibang paraan upang siya ay matagpuan. Gumagamit siya ng mga pangyayari sa kalikasan tulad ng bituin, at gumagamit din siya ng Banal na Kasulatan. Pareho ang sinasabi ng science at ng relihiyon kasi iisa lang ang katotohanan at iisa lang ang pinanggagalingan ng katotohanan – ang Diyos mismo. Kaya walang conflict ang sinasabi ng science at ng relihiyon kung tama lang ang pag-unawa natin sa dalawang ito.
Pero bakit natagpuan ng mga pantas ang sanggol at hindi ng mga experts ng Bible? Hindi lang kasi sapat na alam natin ang katotohanan. Dapat natin sundin ang katotohanan. Naglakbay ang mga pantas, umalis sila sa kanilang pinanggalingan, kahit na malayo, upang sundin ang liwanag ng tala. Hindi umalis si Herodes at ang mga escriba sa Jerusalem. Ipinahanap lang nila ang bata. Hindi naman malayo ang Betlehem sa Jerusalem, mga sampung kilometro lang. Hindi sila interested na makatagpo ang katuparan ng pangako ng Banal na Kasulatan. Hindi natin matatagpuan ang Diyos na nagpapakita kung hindi natin personal na pupuntahan siya. Hindi natin maipapaubaya ang pagkikipagtapo sa Diyos sa iba. Kailangan ng personal na commitment. Kailangan ng personal na pagkilos.
Noong matagpuan ng mga pantas ang sanggol, nagpatirapa sila at sinamba siya. Kinilala nila na kakaiba ang sanggol na ito. Ipinakita nila ang kanilang pagkilala sa bata sa mga regalong ibinigay nila. Ang halaga ng regalo ay hindi lang dahil sa presyo nito, kundi sa kahulugan din nito. Para sa kanila ang batang ito ay isang hari kahit na sa sabsaban lang siya isinilang. Kaya naghandog sila ng ginto. Siya ay Diyos, kahit na simple lang ang kanyang kalagayan. Kaya naghandog sila ng kamanyang. Siya ay tao na magdurusa sa pag-aalay ng sarili. Kaya nagbigay sila ng mira. Ito ay ginagamit sa mga taong nasusugatan at nasasaktan.
Ang pagtatagpo sa Diyos na hinahanap ay nagdadala ng pagbabago. Kaya ginabayan sila ng Diyos na hindi na bumalik sa dating daan. Hindi na sila pinabalik kay Herodes. Nagbabago ang daan natin kapag nakatagpo natin ang Diyos. Babaguhin niya tayo pero uuwi uli tayo sa ating pinanggalingan na dala-dala na ang magandang balita. Babalik tayo sa dating trabaho natin, sa dating lugar natin, sa dating pamilya natin pagkatapos ng Christmas holydays pero dala-dala na si Jesus na ating natagpuan ngayong pasko.
Ang Diyos ay hindi naging tao upang manatili lang na anonymous. Ito ang problema ng ating panahon ngayon. Nagtatago ang marami sa anonymity. Ayaw natin na tayo ay makilala. Hindi ba nakikita natin ito sa maraming fake accounts ngayon? Madaling magtago sa social media. Magbigay lang ng bagong pangalan. Madaling magtago sa malalaking lunsod. Magsusuot lang tayo ng kung ano ang uso at matatago na ang ating identity. Hindi ganyan ang Diyos. Siya ay nagpapakilala. Gumagamit ang Diyos ng maraming paraan upang siya ay makilala. Ginagamit niya ang kalikasan. Nakikilala natin ang kanyang kagandahan, ang kanyang kaayusan, pati na ang kanyang kapangyarihan sa kalikasan, tulad ng pagparamdam niya sa atin sa bagyong si Tino. Kaya kailangan nating pagmasdan ang kalikasan tulad ng mga pantas na pinagmamasdan ang mga bituin. Ginagamit din ng Diyos ang mga pamamaraan ng religiyon, tulad ng panalangin at Bibliya. Kaya kailangan din natin na basahin at alamin ang Bibliya. Ang Bibliya ay ang liham ng Diyos upang makilala natin siya. Ngayong bagong taon sana gumawa na tayo ng New Year’s resolution na basahin ang Bibliya araw-araw. Makikilala din natin ang Diyos sa mga pangyayari sa buhay. Nagsasalita din ang Diyos sa kasaysayan. Alamin natin ang kasaysayan at matuto tayo sa mga pangyayari. Huwag nating kalilimutan ang mga nangyari upang huwag nating ulitin ang kamalian ng mga nakaraan. Ito ay dapat nating alalahanin sa panahon ng halalan. Suriin natin ang track record ng mga politiko at ang mga ginawa ng kanilang mga pamilya.
Hindi lang sapat na mayroong kaalaman tungkol sa Diyos. Matatagpuan natin siya kung pupuntahan natin siya. Kailangan tayong umalis sa ating comfort zone, sa status quo. Kailangan tayong kumilos at lapitan siya. Kapag natagpuan natin siya, sambahin natin siya. Mag-alay tayo sa kanya. Ang balik-handog ay ang ating pag-aalay sa kanya. Ano ba ang handog na ibabalik natin sa kanya? Ang ating panahon? Ang ating talents? Ang ating treasures? Mahalaga ba sa atin ang Diyos? Pinapakita natin ito sa handog natin sa kanya. Huwag tayo manghinayang na magbalik handog ng ating panahon, talento at yaman sa kanya. Ang pag-aalay ay bahagi ng ating pagsamba sa Diyos.
Ang pakikipagtagpo sa Diyos ay nagdadala ng pagbabago sa atin. We are transformed by the Lord whom we encounter. Sana po nakatagpo natin ang Diyos sa nagdaang panahon ng Advent at Christmas, kaya tumutuloy tayo sa taong 2026 na may sigla at tiwala. Dala-dala natin ang assurance na kasama natin ang Diyos anuman ang dadalhin ng taong ito.
Ngayong araw mayroon tayong second collection para sa misyon ng simbahan sa Africa. Dumadami ang mga Kristiyano sa Kontinente ng Africa ngunit mayroon namang maraming problemang natatagpuan ang simbahan doon. Maraming mga kristiyano ang pinapatay, mga pari at mga seminarista ang kinikidnap. May mga digmaan din na nangyayari doon lalo na sa Sudan at sa Somalia. Kaya kasama ng ating second collection, ipagdasal natin ang simbahan sa Aftica.




