Kabutihang panlahat sa lokal na pamamahala

SHARE THE TRUTH

 687 total views

Mga Kapanalig, isang magandang balita ang dumating para sa ating bansa, lalo na sa pamahalaang lungsod ng Butuan, noong isang linggo. Nagwagi ang siyudad sa 2021-2022 Bloomberg Philantrophies Global Mayors Challenge. Layunin ng timpalak na kilalanin ang mga proyektong ipinatutupad sa iba’t ibang siyudad upang magbahagi ng mga kaalaman at makahikayat ng mga lider na maging malikhain sa pagsusulong ng kaunlaran. Mahigit 600 proyekto mula sa halos isandaang siyudad sa buong mundo ang lumahok sa kompetisyon, at mapalad na napabilang ang Butuan City sa labinlimang siyudad na nagwagi.

Tinatawag na AgriBoost ang innovation project ng Butuan City na naglalayong mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa siyudad. Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ang proyekto sa kasagsagan ng pandemyang humamon sa ating mga magsasaka. Mayroong apat na components ang proyekto: AgriBloom, AgriHub, AgriMart, at AgriBoost Comms.

Sa AgriBloom, tinitingan ang mga gawaing mapaiigting ang produksyon ng mga magsasaka katulad ng pagbibigay sa kanila ng technical support, resources, at capability-building. Sa pamamagitan naman ng teknolohiya katulad ng pagkakaroon ng isang mobile app, pinadadali ng AgriHub component ng programa ang access ng mga magsasaka sa merkado at sa kabuuang value chain o ang iba’t ibang gawain at negosyong nangangailangan ng mga produkto mula sa mga sakahan. Kaugnay nito ang AgriMart, na nagsisigurong madaling naaabot ng mga mamimili ang mga produkto ng mga magsasaka. Ang AgriBoost Comms naman ay nakatutok sa pagbabahagi ng impormasyon. Ginagawa ito sa papamagitan ng mga programang School on Air at AgriBoost CommTeleradyo.

Para kay Department of Agriculture Secretary William Dar, makatutulong ang proyekto upang makamit ng siyudad at ng buong rehiyon ng CARAGA ang tinatawag na food security. Ayon naman kay Vice President Leni Robredo, mahalagang hakbang ang proyekto patungo sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng ating pagkain at sa kaunlaran ng mga magsasaka. Maliban sa pagkilala, makatatanggap ang proyekto ng isang milyong dolyar at technical support sa loob ng tatlong taon mula sa mga organizers ng patimpalak upang lalo pang mapabuti ang proyekto at makaambag sa kaunlaran ng siyudad.

Malinaw sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang pagsusulong ng kabutihang panlahat o common good ay ang pangunahing papel ng pamamahala. Sa pagkamit ng kabutihang panlahat, mahalaga ang pagsiguradong nabibigyang pansin ang kalagayan ng mahihirap at naisasantabi sa lipunan katulad ng ating mga magsasaka. Sa prinsipyo ng subsidiarity, makikita natin ang importansya ng pagtitiwala at pagpapalakas sa mga istruktura ng pamamahalang mas malapit sa taumbayan katulad ng lokal na pamahalaan. Hinihikayat ng subsidiarity ang mga mas nakataas na namamahala, katulad ng pambansang pamahalaan, na suportahan at itaguyod ang mga hakbang ng mga namamahala sa ibaba. Hindi ito nangangahulugang laging tama ang desisyon ng mga lider sa mga bayan at lungsod, ngunit kinikilala at binibigyang halaga nito ang kaalaman at kakayahan ng mga naroon mismo lalo pa’t mas nalalaman nila ang kanilang mga pangangailangan.

Ang AgriBoost ay isang halimbawa ng mabuting pamamahala. Sa pagtutok ng lokal na pamahalaan sa sektor ng agrikultura, naisasaalang-alang ang kalagayan ng mga magsasaka na isa sa pinakamahirap na sektor sa bansa. Ang pagkiling sa mga naisasantabing sektor ay hakbang patungo sa kabutihang panlahat. Naipakita din ng lokal na pamahalaan ng Butuan City ang potensyal ng isang pamamahalang may malikhaing tugon sa mga pangangailangan ng komunidad.

Mga Kapanalig, kung magiging tapat lamang ang mga lokal na pamahalaan sa kabutihang panlahat at magiging malikhain sila kanilang mga proyekto, mas bibilis ang kaunlarang walang naiiwan. Sa huli, tandan nating tayong “…lahat ang iisang katawan ni Kristo, at bawat isa ay bahagi nito”, ayon nga sa 1 Corinto 12:27. Isulong natin ang kabutihang panlahat sa mga lokal na pamahalaan.

Sumainyo ang katotohanan.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

BSKE 2025

 24,801 total views

 24,801 total views Mga Kapanalig, katatapos lang ng midterm national and local elections pero may pang isang halalan sa taóng ito. Isasagawa sa Disyembre ang Barangay

Read More »

Anong pinagtataguan mo?

 35,806 total views

 35,806 total views Mga Kapanalig, gaano kalayo ang kayang takbuhin ng isang tao para makaiwas sa pananagutan? Sa kaso ng dating tagapagsalita ni dating Pangulong Duterte

Read More »

To serve and protect

 43,611 total views

 43,611 total views Mga Kapanalig, para sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ang mga awtoridad ay obligadong ipatupad ang batas alinsunod sa kung ano

Read More »

TOO MUCH GENERAL EDUCATION

 60,173 total views

 60,173 total views Quality education, kailan kaya natin ito makakamit Kapanalig? Taon-taon, nahaharap sa maraming problema ang sektor ng edukasyon sa bansa., kabilang dito ang hindi

Read More »

AUGUST CHAMBER

 75,910 total views

 75,910 total views The Filipino people have the right to know the truth! Noong 1916, itinatag ang tinaguriang AUGUST chamber o Senate of the Philippines. Nagsilbi

Read More »

Related Story

Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

BSKE 2025

 24,802 total views

 24,802 total views Mga Kapanalig, katatapos lang ng midterm national and local elections pero may pang isang halalan sa taóng ito. Isasagawa sa Disyembre ang Barangay

Read More »
Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

Anong pinagtataguan mo?

 35,807 total views

 35,807 total views Mga Kapanalig, gaano kalayo ang kayang takbuhin ng isang tao para makaiwas sa pananagutan? Sa kaso ng dating tagapagsalita ni dating Pangulong Duterte

Read More »
Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

To serve and protect

 43,612 total views

 43,612 total views Mga Kapanalig, para sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ang mga awtoridad ay obligadong ipatupad ang batas alinsunod sa kung ano

Read More »
Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

TOO MUCH GENERAL EDUCATION

 60,174 total views

 60,174 total views Quality education, kailan kaya natin ito makakamit Kapanalig? Taon-taon, nahaharap sa maraming problema ang sektor ng edukasyon sa bansa., kabilang dito ang hindi

Read More »

Latest Blogs

Scroll to Top