244 total views
Mga Kapanalig, ginugunita natin ngayon, Hunyo 12, ang ika-119 na Araw ng Kalayaan o Independence Day. Taun-taon nating ipinagdiriwang ang araw na ito kung kailan nakalaya tayo sa mga kamay ng mga dayuhang mananakop, at akmang panahon ito upang pagnilayan natin kung anong uri ng kalayaan ang ating tinatamasa sa kasalukuyang panahon.
Bilang mga Katolikong Pilipino, mainam na ibatay ang ating pagsusuri sa mga prinsipyo ng panlipunang katuruan ng Simbahan. Naniniwala tayo sa Santa Iglesia na ang tunay na kalayaan sa isang bansa ay nakabatay sa pagtataguyod sa mga karapatang pantao ng mga mamamayan. Ang isang bayan ay maituturing na kaugnay ng isang indibidwal dahil ito ang konteksto kung saan siya nabubuhay. Kaya’t kung lantarang nilalapastangan ang mga karapatan ng mamamayan—halimbawa ang kalayaang magpahayag ng saloobin o ang karapatan sa buhay—masasabing hindi tunay na malaya ang bayan.
Tingnan natin ang mga mahahalagang isyu sa ating bansa.
Sa panahong nanganganib na hindi mapahalagahan ang kasagraduhan ng buhay dahil sa nakabinbing panukala sa Kongreso na ibalik ang parusang kamatayan, napapatanong tayo: anong uri nga ba ng hustisya, kung mayroon man, ang isinusukli nito hindi lang sa mga naging biktima ng karahasan kundi pati na rin sa ating buong sambayanan? Hindi ba’t karahasan din? Kaya nga sa pagpapataw ng kaparusahang bitay na itinuturing ng ibang taong patas at makatarungan, hindi ba’t ipinagpapatuloy lamang natin ang kasamaan? Tunay nga bang malaya ang bansang nabubuhay sa kultura ng kamatayan?
Ikalawa, sa pagsisikap na matamo ang matagal nang inaasam na kapayapaan sa Mindanao, makatutulong bang maghamunan ng patayan? Sa isang talumpati, binantaan ng pangulo ang mga rebeldeng komunista: “Kung patayan ang gusto mo, sige patayan tayo.” Matatandaang kinansela ng pamahalaan ang ikalimang yugto ng usapang pangkapayapaan matapos utusan umano ng Communist Party of the Philippines o CPP ang New People’s Army o NPA na palakasin ang kanilang opensiba bilang pagtutol sa pagdedeklara ng batas militar sa Mindanao. Tunay nga bang malaya ang isang bayang ni hindi man lamang mapag-usapan ang kapayapaan sa sarili nitong bakuran?
Nakalulungkot ding isiping hindi rin natin maaaring maasahan ang tunay na kapayapaan sa Timog Silangang Asya. Kahit na mag-iisang taon na nang ibinaba ng United Nations Tribunal ang desisyong pumabor sa Pilipinas tungkol sa exclusive economic zone nito sa West Philippine Sea, hindi pa rin ito tinatanggap ng bansang China. Ang nakalulungkot pa, tila ba ipinagkikibit-balikat lamang ng pamahalaan ang patuloy na pagtatayo ng China ng mga istruktura sa mga pinag-aagawang isla, sa halip na manindigan kahit para man lang sa mga mangingisdang umaasa sa mga katubigang hindi na nila mapangisdaan ngayon. Kalayaan bang maituturing ang pagsasantabi ng karapatang pandagat ng Pilipinas sang-ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (o UNCLOS), ng karapatan ng mga Pilipinong mangisda sa sariling exclusive economic zone nito, gayundin ng karapatang galugarin at pakinabangan ang mga yaman ng ating katubigan? Kalayaan bang maituturing ang maging sunud-sunuran sa isa pang bansa?
Ilan lamang ang mga ito sa maraming isyung panlipunang para bang nagtatali sa atin sa mga tanikalang napakahirap takasan. Maaaring nakalaya na tayo sa kamay ng mga bansang nanakop sa atin noong unang panahon, ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin lubos na malaya ang mga Pilipino mula sa mga suliraning humahamon sa ating pagkakaisa bilang isang bayan.
Ngunit manatili nawa ang pag-asa sa ating mga puso, isang pag-asang tumatanaw sa isang kinabukasan kung saan nagagawa nating pagmalasakitan ang mga taong nagkakasala sa halip na bawiin ang kanilang buhay. Patuloy tayong maghangad ng isang bansang hindi nakasalalay sa digmaan upang makamit ang kapayapaan. Umasa tayong darating ang panahon na handa tayong manindigan para sa kapakanan ng mga maliliit sa lipunan.
Isang mapagpalayang araw sa ating lahat!
Sumainyo ang katotohanan.