4,893 total views
Inaanyayahan ng Trillion Peso March Movement ang publiko na makiisa sa isang makabuluhang pagtitipon na tinatawag na “Kalembang Laban sa Korapsyon”, na gaganapin sa Biyernes, Oktubre 17, 2025, sa Cathedral Shrine and Parish of the Good Shepherd.
Layunin ng gawain na pagtibayin ang panawagan ng sambayanang Pilipino para sa katapatan, katarungan, at pagbabago sa pamahalaan.
Magsisimula ang programa ganap na alas-sais ng gabi sa pamamagitan ng misa, kasunod ang awitan at panawagan sa alas-siyete, at magtatapos sa alas-otso ng gabi sa isang candle lighting, bell ringing, at noise barrage bilang simbolo ng pagkakaisa laban sa katiwalian.
Hinihikayat ang mga lalahok na magsuot ng puting damit o ribbon, at magdala ng kandila, placard na may panawagan, at gamit na pampaiingay.
Ang Trillion Peso March ay isang kilusan na nakatuon sa paglaban sa umiiral na korapsyon, lalo na sa mga proyekto ng flood control, at pagpapalakas ng transparency, pananagutan, at pagbabago sa pamahalaan.
Una na ring isinagawa ng kilusan ang pagtitipon sa Edsa People Power Monument bilang panawagan sa malawakang katiwalian sa gobyerno noong Sept 21.