2,420 total views
Pormal nang pinasinayaan at binasbasan ng Diocese of Antipolo ang La Capilla de la Boda Diocesana del Amor Divino sa Epic Estates, Sampaloc, Tanay Rizal na itinatag bilang sentro ng sakramento ng pag-iisang dibdib.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos na ang kapilya ay magsisilbing tahanan ng mga pag-iibigang pinagbuklod ng pananampalataya.
“This will be a home for couples who want to begin their life together with God at the center. Love is part of God’s design. It is not an accident. It is a gift, ” ayon kay Bishop Santos.
Binigyang diin din ng obispo ang kahulugan ng kasal bilang pakikipagtipan sa Panginoon tanda ng pakikipag-isa at pakikipag-ugnayan bilang mga mag-asawa.
“A covenant is more than a promise. It is a sacred bond… When a couple stands before this altar, they are not just making a commitment to each other. They are entering into a relationship with God Himself,” dagdag ng obispo.
Sa homiliya ni Bishop Santos na nakasentro sa temang “The Beauty That God Builds: Creation, Covenant, and Companionship,” binigyang-diin din ng obispo na ang buhay may-asawa ay hindi natatapos sa seremonya ng kasal kundi panghabambubay na paninindigan.
“Marriage is not just about the wedding day. It is about the days that follow,” ani Bishop Santos.
Dagdag pa niya, ang tunay na pagsasama ay nangangailangan ng patuloy na pagpili at paninindigan ng magkatipan sa kabila ng mga pagsubok na maaring kakaharapin ng mag-asawa.
Inihayag ni Bishop Santos ang pag-asang magsisilbing bukal ng biyaya ng pamilyang nakaugat sa pananampalataya at pag-ibig ng Diyos ang kapilya.
“May this chapel stand for generations as a place where love is not only celebrated—but transformed by grace,” ayon kay Bishop Santos.
Ang diocesan wedding chapel ay sa ilalim ng pangangalaga ng St. Jude Thaddeus Parish sa pamumuno ni Fr. Jose Victor Nepomuceno.
Sa hiwalay na panayam ng Radyo Veritas binigyang diin ni Fr. Nepomuceno na ang binuksang kapilya ay magiging santuwaryo ng pagpapatatag sa pundasyon ng mga pamilya sa pamamagitan ng sakramento ng kasal.
Hinikayat ng pari ang nagnanais magpakasal sa diocesan wedding chapel na makipag-ugnayan sa kanilang parokya para sa mga kinakailangang dokumento at pagpapatala.
Ang La Capilla de la Boda Diocesana del Amor Divino ay inaasahang magiging mahalagang lugar ng mga kasalang nakaugat sa pananampalataya, pag-ibig, at matibay na pakikipagtipan sa Diyos.




