14,820 total views
Naniniwala ang pangalawang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na mahalaga ang pananalangin ng Santo Rosaryo lalo’t higit para sa nagaganap na kaguluhan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ito ang bahagi ng mensahe ni CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara kaugnay sa One Million Children Praying the Rosary for Unity and Peace ng pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need na isinagawa sa Immaculate Conception Cathedral ng Diyosesis of Pasig.
Ayon sa Obispo, napapanahon ang sama-samang pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga kabataan lalo na upang ipanalangin ang iba’t ibang kaguluhan at karanasan na nagaganap sa daigdig.
“This will be something that we need at this time knowing the situation in different parts of the globe in our world.” Ang bahagi ng mensahe ni Bishop Vergara.
Nagpasalamat naman ang Obispo sa Aid to the Church in Need-Philippines sa pagbibigay ng pagkakataon sa Diyosesis ng Pasig upang magsilbing host sa muling pagsasagawa ng One Million Children Praying the Rosary campaign ng face-to-face makalipas ang tatlong taon mula ng maganap ang COVID-19 pandemic noong taong 2020.
Paliwanag ni Bishop Vergara, napapanahon ang sama-samang pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga mag-aaral mula sa Pasig Catholic College sa kasalukuyang pagdiriwang ng diyosesis ng ika-450 anibersaryo ng pananampalatayang Kristiyano at ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng Pasig bilang isang diyosesis.
“What a great event at this time when the church of Pasig celebrates its 450th anniversary, and also the 20th anniversary of the diocese. Let us together pray for peace in our families, peace in our communities.” Dagdag pa ni Bishop Vergara.
Isinagawa ang One Million Children Praying the Rosary campaign sa Immaculate Conception Cathedral ng Diocese of Pasig noong ika-18 ng Oktubre, 2023 ganap na alas-nuebe ng umaga kung saan pinangunahan ang gawain ng mga mag-aaral mula sa Pasig Catholic College at mga seminarista ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary.
Layunin ng Worldwide Prayer Event na isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo mula sa iba’t ibang panig ng mundo.