39,356 total views
Muling binalaan ng EcoWaste Coalition ang publiko laban sa tradisyonal na pagpapaputok para sa pagsalubong sa bagong taon.
Ayon ay EcoWaste national coordinator Aileen Lucero, makabubuting salubungin ng bawat pamilya at pamayanan ang bagong taon nang malusog at ligtas sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga paputok na lumilikha ng labis na ingay, usok, basura, at panganib sa kalusugan at kalikasan.
Ginawa ni Lucero ang pahayag sa ginanap na “Iwas Paputoxic Community Program and Parade” katuwang ang Barangay Central, Quezon City upang higit na maisulong ang mapayapa at ligtas na pagtatapos ng taong 2023 at pagsalubong naman sa 2024.
“We urge our families and communities to herald the New Year in a manner that will not further degrade the air quality with added chemical pollutants, cause senseless loss of body parts and even lives, destroy homes, and torture cats and dogs with ear-splitting sounds from the bursting of firecrackers and fireworks,” pahayag ni Lucero.
Alinsunod sa Executive Order No. 54 series of 2022, ipinagbabawal sa mga pribadong tahanan sa Quezon City na gumamit ng paputok at magsagawa ng sariling fireworks display.
Iginiit naman ng EcoWaste na ang hindi paggamit ng mga paputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon ay magandang hakbang bilang mamamayan upang tumalima sa mga batas na nangangalaga sa kalikasan tulad ng Clean Air Act, Ecological Solid Waste Management Act, Clean Water Act, Climate Change Act, at ang Animal Welfare Act.
Ang kampanyang Iwas Paputoxic ay nagsimula noong Disyembre 2006, na naaakma rin sa Iwas Paputok campaign ng Department of Health.
Sa huling ulat naman ng DOH, umabot na sa halos 75 ang kaso ng firecracker-related injuries kung saan anim sa sampung kaso ay nagmumula sa National Capital Region, Central Luzon, at Ilocos Region.
Patuloy namang hinihimok ng simbahan ang bawat isa na baguhin ang mga nakasanayang nakakapinsala sa kalikasan upang maisulong ang payak na pamumuhay na nagpapakita ng pagiging mabuting katiwala ng sangnilikha.



