6,846 total reads
Iginiit ni Cubao Bishop Elias Ayuban, Jr., CMF na hindi lamang sa kasunduan ng mga bansa nagsisimula ang kapayapaan kundi sa puso ng bawat taong natututong magpatawad.
Ito ang kanyang binigyang-diin sa kanyang homiliya sa paggunita sa ika-109 na anibersaryo ng ikalimang pagpapakita ng Mahal na Birhen ng Fatima at sa pagtatapos ng Diocesan Fatima Conference sa National Shrine of Our Lady of Fatima sa Valenzuela City noong September 13.
Sinabi ni Bishop Ayuban na mahirap makamit ang kapayapaan sa mundo kung nananatiling puno ng galit at sama ng loob ang puso ng tao.
“Ang kapayapaan ay hindi lamang nagsisimula sa mga kasunduan ng mga bansa; nagsisimula sa ating mga puso. The heart of peace is peace in the heart,” ayon kay Bishop Ayuban.
Tinuran ng obispo na tulad ng digmaan na maaaring magsimula sa puso ng tao, kaya’t doon din magsisimulang sumibol ang kapayapaan.
“Kung ang digmaan ay nagmumula sa puso, ganun din ang kapayapaan. War begins in the heart, so much so with peace,” aniya.
Iniugnay ni Bishop Ayuban ang panawagan sa pagpapatawad sa mensahe ng Fatima na nakatuon sa panalangin, pagsisisi at pagbabalik-loob.
“Kaya ang mensahe sa Fatima: panalangin, pagsisisi at pagbabalik-loob. Prayer, penance and conversion. At ang tatlong ito ay nagdadala sa atin sa pagpapatawad,” paalala ng obispo.
Binigyang-diin din ng obispo na ang tunay na pagpapatawad ay hindi nakabatay sa nararamdaman ng tao, kundi sa isang malayang desisyon na huwag hayaang maghari ang galit at poot sa puso.
Paliwanag ng pastol na hindi nangangahulugan ang pagpapatawad na kinakalimutan ang mga masasakit na karanasan.
“To forgive is not forgetting the past. But to forgive is remembering the past in a different way,” paliwanag pa ng obispo.
Ayon kay Bishop Ayuban, ang pagtanggap ng awa at pagpapatawad mula sa Diyos ay dapat humantong sa pagiging maawain din sa kapwa.
Binigyang-diin ng obispo na hindi dapat gawing limitado o binibilang ang pagpapatawad, alinsunod sa turo ni Hesukristo na inilahad sa Ebanghelyo: magpatawad nang paulit-ulit.
“Ibig sabihin, ang pagpapatawad ay hindi dapat bibilangin. Hindi ito arithmetic, hindi mathematics, sapagkat may pagkakataong kailangan nating magpatawad hindi lamang minsan kundi paulit-ulit,” saad pa ni Bishop Ayuban.
Pinaalalahanan din ng obispo ang mga mananampalataya na ang Mahal na Birhen ay hindi nagdadala ng panibagong mensaheng taliwas sa Ebanghelyo, kundi ibinabalik ang tao sa mensahe ni Hesukristo.
“Bawat pagpapakita ng ating mahal na ina ay hindi nagdadala ng bagong mensahe. Pinaaalalahanan lang tayo sa mensahe ng kanyang anak,” ayon sa obispo.
Hinimok ng obispo ang mga deboto ng Fatima na isabuhay ang tatlong pangunahing aral na dapat maiuwi mula sa paggunita sa anibersaryo—panalangin, pagbabalik-loob at pagpapatawad.
Hiniling ni Bishop Ayuban na maging tahanan ng kapayapaan ang mga pamilya, komunidad at parokya sa pamamagitan ng pagtanggap at pagbibigay ng awa at pagpapatawad ng Diyos.
Isinagawa ang Fatima Conference sa pangunguna ng pamunuan ng pambansang dambana ng Mahal na Birhen ng Fatima, katuwang ang World Apostolate of Fatima ng Diocese of Malolos.
Katuwang ng obispo sa pagdiriwang si Malolos Bishop Dennis Villarojo, Fr. Elmer Ignacio, rector at parish priest ng dambana at mga kasamang pari.
Nagbahagi ng panayam sa Fatima Conference sina Fr. Raymond Joseph Arre, rector at parish priest ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Hope at Fr. Julius de Sagun, kura paroko ng Our Lady of Fatima sa Binacayan, Cavite.




