1,365 total views
Nagbabala ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga Filipino na nais magtrabaho sa ibayong dagat.
Ayon kay CBCP migrant’s ministry vice-chairman Balanga Bishop Ruperto Santos, dapat maging matalino ang publiko laban sa mga mapagsamantala at makaiwas mula sa mga manloloko upang hindi maging biktima ng human trafficking.
Paalala ng obispo sa mga nais mangibang bayan para magtrabaho na huwag agad maniwala sa mga pangako ng mga employment agency.
Sa halip, dapat isangguni muna sa mga ahensya ng pamahalaan upang malaman kung lehitimo ang job order, kumpanya at bansang nag-aalok ng trabaho.
“Always check, always be clear. Pag may mga offer na too good to be true, remember it is human trafficking. Once you are trafficked, wala na kaming alam sa inyo. You’re just putting yourself to danger,” ayon kay Bishop Santos sa programang Pastoral visit on-the-air ng Radio Veritas.
Higit na kaduda-duda ang mga alok na trabaho kung ang kumpanyang ay nanghihingi ng mga paunang bayad.
Sinabi naman ng obispo na patuloy ang CBCP migrant’s ministry sa pagbibigay ng kaalaman sa mga Filipino laban sa mga illegal recruiter upang hindi maging biktima.
Ito ayon sa obispo ay sa pagiging pagtulungan na rin ng simbahan sa Department of Labor and Employment, Overseas Workers Welfare Administration at ng Couple’s for Christ.
Sa ulat, umaabot na sa 10-milyon ang bilang ng mga Filipinong biktima ng human trafficking kabilang na ang mga kabataang biktima ng sex trafficking at force labor.