6,685 total views
Nilinaw ni Exorcist Dominican Priest Fr. Winston Cabading na hindi nito nilalabag ang Article 133 of the Revised Penal Code partikular ang Offending Religious Feelings.
Ito ang tugon ng pari kasunod ng inihaing reklamo ni dating Commission on Elections chief Harriet Demetriou na kilalang deboto ng Our Lady of Mary Mediatrix of All Grace sa Lipa Batangas.
Naging basehan sa reklamo laban kay Fr. Cabading ang mga pahayag tungkol sa aparisyon ng Mahal na Birhen sa Lipa Batangas sa online talk show ni Catholic Faith Defender Bro. Wendell Talibong ng Archdiocese of Ozamis noong May 28, 2022 episode na pinamagatang “[Warning] Mabangong Langis, umaagos sa Our Lady of Mediatrix, Eksperto nagbabala!” at ikalawa ang ginanap na 4th National Conference on the Ministry of Spiritual Liberation and Exorcism noong Agosto 19 hanggang 23, 2019.
“Ayon sa batas ay magaganap ang krimen na ito kung habang may nagaganap na religious ceremony ay may gagawin na akto ang isang tao na nakakasakit sa damdamin ng mga mananampalataya. Pero klaro for both Bro. Wendell, and his listeners, na talk-show sila. At kahit meron opening prayer or closing prayer, which is very common practice for us Catholics sa mga events, hindi ito religious ceremony. Clear sa Catholic Church na ang religious ceremony ay laging nakadikit sa worship of God through approved rites of the Church,” pahayag ni Fr. Cabading sa Radio Veritas.
Pinabulaaan ng Dominican exorcist ang paratang na nagpahayag ito ng masasakit na salita laban sa “alleged” aparisyon sa Batangas noong 1948.
Batay sa decree mula sa Congregation for the Doctrine of the Faith hindi nito kinilala ang aparisyong nangyari sa Carmelite Convent sa Lipa Batangas.
“The matter of the alleged apparitions of the Blessed Virgin Mary in the Carmelite Convent in Lipa, Philippines, was first examined by the Congregation for the Doctrine of the Faith in 1949. After a thorough study of the available evidence, including the testimony of the prioress of the Convent, on 28 March 1951, the Congregation (then known as the Supreme Sacred Congregation of the Holy Office) declared the events in Lipa to have no sign of supernatural character or origin. This decision was confirmed by His Holiness, Pope Pius XII, on 29 March 1951,” bahagi ng Decree ng Vatican.
Inaresto si Fr. Cabading ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong May 13, 2023 alas 10 ng gabi sa St. Mary Magdalene House sa Kaylaway Nasugbu, Batangas alinsunod sa warrant of arrest na inilabas ni Branch 81 Judge Madonna Echiverri.
Nanindigan si Fr. Cabading na wala itong nilabag sa batas lalo na sa paratang laban sa kanya dahil ito ay may kaakibat na mga dokumento ng simbahang katolika.
“I just clearly stated na kailangan ng careful discernment ayon sa turo ng Simbahan,” ani Fr. Cabading.
Samantala sa liham ng CBCP Commission for the Doctrine of the Faith noong July 9, 2016 hinimok nito ang mga deboto ng Mother Mary, Mediatrix of Grace na ipagpatuloy ang debosyon subalit iginiit na hindi na dapat iuugnay sa aparisyon noong 1948.
Pinagtibay din ng CBCP ang naunang desisyon ng Vatican noong 1951 kung saan binigyang diin na tigilan na ang anumang gawaing nagsusulong sa paniniwala ng Lipa Apparition.
Sinabi ni Fr. Cabading na pinatatawad na nito ang mga nagsampa ng reklamo laban sa kanya at hinimok ang mananampalataya na basahin ang mga dokumento ng simbahan hinggil sa Lipa Apparition.
“Basahin ninyo ang Decree ng Vatican at Guidelines ng CBCP nang makita ninyo na meron nang klarong desisyon ang Simbahan tungkol diyan sa Lipa Apparition at dahil diyan ang tamang paraan ng debosyon sa Mediatrix ay dapat hindi ito at ang ang image or statue ay iugnay sa non-supernatural apparition,” ayon pa sa pari.
Suportado rin ng iba’t ibang catholic lay groups ang pari at umapela sa mga katoliko na sundin ang mga atas ng simbahan lalo na ang isinasaad sa mga doktrina at katuruan.