169,385 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiriwang ng pamahalaan ang makasaysayang pagtuklas ng natural gas sa Malampaya East-1 (o MAE-1) reservoir sa karagatan ng Palawan. Ang MAE-1 ay may tinatayang 98 bilyong cubic feet ng gas, sapat upang makalikha ng halos 14 bilyong kilowatt-hours ng kuryente kada taon. Kaya itong mag-supply ng kuryente sa 5.7 milyong kabahayan.
Sa Malampaya nanggagaling ang malaking bahagi ng natural gas na ginagamit para lumikha ng kuryenteng ginagamit sa malaking bahagi ng Luzon. Pero paunti nang paunti ang supply ng natural gas doon, dahilan upang magsimulang mag-import ng gas ang bansa noong 2023. Pagdating ng 2024, halos kalahati ng kailangan nating gas sa buong bansa ay imported na. Dahil dito, tumaas ang singil sa kuryente. Sa tulong ng bagong diskubre na reservoir, inaasahang mapapalawig ang buhay ng Malampaya hanggang 2030.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, makatutulong ang MAE-1 na pababain ang presyo ng kuryente at tiyaking may supply tayo ng kuryente sa mahabang panahon. Hindi nga lang daw ito agad mararamdaman. Kasabay kasi ng paghahanap ng natural gas ay ang pamumuhunan sa renewable energy sources. Kapag daw pumasok na sa bansa lahat ng mapagkukunan ng enerhiya sa mga susunod na taon, doon palang mararamdaman ang positibong epekto ng MAE-1. Sa pagkaakroon natin ng supply mula sa ating bansa, hindi na tayo gaanong aasa sa importasyon. Mas maliwanag daw ang bukas natin.
Pero kilatisin nating mabuti ang patuloy na pagdepende sa petrolyo at natural gas para sa paglikha ng enerhiya.
Malaki ang papel ng natural gas sa enerhiya, pero dapat pa ring isaalang-alang ang epekto ng pagpoproseso nito sa kapaligiran. Ang natural gas ay fossil fuel pa rin—non-renewable o nauubos. Ang patuloy na pag-asa at pagpaprayoridad dito ay nagpapatagal lang sa atin sa pag-transition o paglipat tungo sa tunay na sustainable at renewable energy sources. Kung ikukumpara sa renewable energy sources, katulad ng wind at solar, mas mataas pa rin ang kontribusyon ng natural gas sa pag-init ng mundo at sumisira pa ng buhay-dagat.
Hindi hiwalay ang mga pinsalang ito sa buhay ng tao dahil bumabalik ang mga ito sa anyo ng matitinding sakuna at paglala ng krisis sa klima. Sa Cathoilic social teaching na Laudato Si’, tinalakay ang malalim na ugnayan ng tao, lipunan, at kalikasan. Tinatawag itong integral ecology. Hindi maihihiwalay ang tao sa kalikasan. Sa usapin ng natural gas, bagamat “maliwanag na bukas” ang dala nito para sa mga tao, ibang “bukas” ang haharapin ng kalikasan.
Hindi rin tiyak na magreresulta sa mas murang kuryente ang natural gas. Ang presyo nito ay dinidiktahan pa rin ng pandaigdigang merkado, kaya labas pa rin sa ating kontrol kung magkano ang aabutin nito. Kung gayon, walang kasiguraduhan ang pangakong ginhawa sa ating mga konsyumer.
Dapat ding harapin ang katotohanang may hangganan ang natural gas. Kahit pa palawigin ng MAE-1 ang buhay nang Malampaya ng ilang taon, nananatili itong pansamantalang source ng enerhiya. Ang patuloy na pag-asa sa mga pinagkukunan ng enerhiya na ilang taon lamang ang itinatagal ay nangangahulugang paulit-ulit lamang nating kakaharapin ang parehong mga problema: kakulangan sa supply, pagdepende sa importasyon, at mahal na kuryente.
Mga Kapanalig, nagbababalâ ang Isaias 24:4-6 na masisira ang daigdig dahil sa kagagawan ng tao, at parurusahan ng Diyos ang sangkatauhan dahil sa paglabag at pagsuway sa Kanyang mga utos. Huwag na nating hintaying magkatotoo ang babalang ito. Huwag nating hayaang ang nagbibigay ilaw at liwanag ngayon sa tao ang siyang magpapadilim sa bukas ng kalikasan. Ang mas maliwanag na bukas ay makakamit lamang kung ang liwanag ngayon ay hindi sumisira sa buhay ng tao at ng buong sangnilikha.
Sumainyo ang katotohanan.




