17,311 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Ika-apat na Linggo ng Karaniwang Panahon, Pebrero 1, 2024, Mk 6:7-13
Huwag daw magbaon ng pagkain, o magbitbit ng bagahe. Huwag daw magdala ng pera sa bulsa, o ekstrang underwear. Ganoon? Ewan ko lang kung sa panahon natin mayroon pang mapapasunod o maisusugo si Hesus kung ganoon pa rin ang patakaran niya. Ano ba’ng gusto niyang mangyari? Maging parang mga lagalag sila? Maging mistulang mga palaboy na taong grasa ang mga alagad niya? Sumabak na lang basta sa misyon? Bahala na kung may magpatulóy o magpakain sa kanila? Ganoon?
Kaya siguro may mga taong nag-akala noon na ang mga Kristiyano ay mga panatikong miyembro ng isang kulto, parang bulag o hibang na sunod na lang nang sunod sa kahit ano’ng ipagawa ng lider nila. Ganyan nga ang pwedeng maging impression kung di natin alam ilagay sa konteksto ang pagbasa natin ngayon.
Sa totoo lang, batay sa maraming iba pang mga kuwento sa apat na ebanghelyo, sa tingin ko mahusay sa planning, organization at management si Hesus. Kung hindi, e bakit nag-survive nang dalawang libong taon ang kilusan na sinimulan niya? Hindi siya tipong “fatalistic”. Hindi siya basta-basta sumasabak. Ma-diskarte siya. Halimbawa—alam niyang planuhin ang pagpapakain sa libo katao kahit kakaunti lang ang pagkain. Mahusay siya sa resource mobilization; ang konti napaparami. Organized din siya; imbes na papilahin ang mga tao, pinagrupo niya sila nang tiglilimampu at nag-assign ng mga tauhan para sa maayos na paraan ng pagpapakain. Pati ang gagawin sa tira-tirang pagkain, planado niya. Kapag tipong dinudumog na siya, nagpapahanda siya ng bangka sa may pampang ng lawa na aatrasan niya. Pati sound system iniisip niya; kaya kung minsan sa pampang siya nangangaral, ginagamit na sound box for projection ang bangka. Noong pumasok sila sa Jerusalem, meron na agad kontak doon na magpapahiram ng sasakyan niyang asno o ng lugar na pagdarausan nila ng hapunan ng Paskwa. Marami pa akong pwedeng ibigay na halimbawa. Pwedeng gawing libro at ang title ay “Jesus, the Organizer.”
Noong huling dinalaw ko ang sister ko sa California, tinext niya ako. Huwag daw akong magdala ng maraming bagahe. Ibig sabihin, naroon naman sa bahay niya sa San Diego ang lahat ng kakailanganin ko. At totoo nga—pati toothbrush, toothpaste, deodorant, bagong brief, mga undershirt, tsinelas, lahat prepared na niya. Pagkakataon ko na rin daw iyon para maipamili niya ako ng mga damit na pwede kong iuwi.
Mukhang ganyan din ang naging karanasan ni Jesus sa mga kaibigan niya na naging parang higit pa sa kapamilya. Di mo kailangan magbaon ng kahit na ano. Sa Kastila, bukambibig daw ng maybahay sa mga kaibigan pag dumalaw: “Mi casa es su casa.” (Ang bahay ko ay bahay mo rin.). Ang kaibigan mo ay kaibigan ko rin.
Kaya malakas ang loob niya na magsugo at magbilin na huwag sayangin ang oras sa sobrang preparasyon sa kakailanganin sa misyon. Alam niya na meron na silang maaasahang na mga “mission partners” na tatanggap at aalalay sa mga lugar na pupuntahan nila. At bakit nga naman hindi sila tatanggapin?
Isipin mo kung ikaw iyung lumpo na pinalakad niya, o iyung bulag o ketongin o baliw na pinagaling niya, o iyung tatay ng batang binuhay niyang muli? Siyempre, sa laki ba naman ng utang na loob mo sa inihatid niyang pagpapala sa buhay mo na walang bayad, hindi mo ba siya tatanggapin at tatratuhing mabuti pag nadalaw sa bahay mo o pag ipinaalalay sa iyo ang mga kaibigan niya? Pero kahit dito, realistic pa rin siya. Alam niya na meron ding mga hindi tatanggap sa kanila. Baka may dahilan sila, huwag nang magtanong, pagpagin na lang ang alikabok at humanap ng ibang matutuluyan.
Kaya pala may mga kaibigan siyang tulad nina Martha at Maria. Hindi mo ba ipagluluto ng masarap ang bumuhay sa kapatid mong si Lazaro? Para sa kanila, ang anumang kagandahang-loob na pwede nilang ipakita sa kanya ay laging nahihigitan ng kagandahang-loob na hatid niya sa buhay nila. Generosity breeds generosity, ika nga sa Ingles. Dumarating siya o ang mga alagad niya para maghatid ng mabuting balita, ginhawa, pagpapala, paano ba siyang hindi tatanggapin nang buong puso? Hindi lang siya tagapagdala ng mensahe. Siya mismo ang mensahe. The medium is himself the message. Sa piling niya, ramdam nila na parang dumating na nga ang kaharian ng Diyos.