20,699 total views
Nanawagan si Virac Bishop Luisito Occiano sa lahat ng mga pari, relihiyoso, at layko sa Diyosesis ng Virac na makiisa sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa National Day of Prayer and Public Repentance.
Ito ang bahagi ng inilabas na sirkular ni Bishop Occiano na tugon sa panawagan ng CBCP noong Oktubre 7, 2025 kasabay ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo ay ipagdiriwang ng Diyosesis ng Virac ang National Day of Prayer and Public Repentance sa Linggo, ika-12 ng Oktubre 2025, bilang tanda ng pagkakaisa sa panalangin at pagsisisi para sa kagalingan ng bansa.
Ayon sa Obispo, inaanyayahan ang lahat ng mananampalataya sa nasabing araw na makiisa sa pananalangin at paghingi ng awa ng Panginoon para sa pagkakaroon ng katotohanan, katarungan, at kapayapaan sa bansa.
“The Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) has called on all dioceses to observe a National Day of Prayer and Public Repentance last October 7. As one Diocese, I enjoin everyone to announce to our faithful our solidarity with our cry for healing in our country that will happen on Sunday, October 12, 2025. This day invites all the faithful to seek God’s mercy for our nation and renew our commitment to truth, justice, and peace,” Bahagi ng sirkular ni Bishop Occiano.
Bilang konkretong tugon, hinikayat ng Obispo ang lahat ng parokya, mission station, relihiyosong komunidad, at mga Katoliko institusyon sa buong Diyosesis na makibahagi sa gawain sa pamamagitan ng Paglalagay ng mga streamer o banner sa harap ng mga simbahan at institusyon na may mensaheng: “National Day of Prayer and Public Repentance – Lord, Heal Our Land (October 12, 2025) NO TO CORRUPTION.”; Pagsasagawa ng Holy Hour para sa pagsisisi at pagbabayad-puri, bago o pagkatapos ng pangunahing Misa tuwing Linggo; at Pagdarasal ng Prayer for National Repentance bilang bahagi ng Prayer of the Faithful o pagkatapos ng Komunyon sa lahat ng Misa hanggang sa Solemnity of Christ the King.
Paliwanag ni Bishop Occiano, ang pagkakaisa ng Simbahan sa pananalangin ay mahalagang hakbang sa paghiling ng awa ng Diyos para sa sambayanan at sa pagbabagong inaasam ng bayan.
“Let us unite our hearts as one Church, humbly seeking God’s forgiveness and mercy for ourselves and our nation. May our collective prayer bring renewal and hope to our land,” Dagdag pa ni Bishop Occiano.
Layunin ng panawagan ng CBCP na pukawin ang pagkakaisa ng Simbahang Katolika at mga Katoliko sa buong bansa upang muling pagtibayin ang pananampalataya ng mga Pilipino sa Diyos ng katotohanan at habag sa gitna ng mga suliraning kinahaharap ng pamahalaan, partikular na ang katiwalian at kawalan ng katarungan.
Simula sa ika-7 ng Oktubre, 2025 ay ipinag-utos ng CBCP na dasalin sa mga Simbahan ang natatanging panalangin na may titulong “A National Cry for Mercy and Renewal,” na ipagpapatuloy tuwing araw ng Linggo hanggang sa Kapistahan ng Kristong Hari sa Nobyembre 23, 2025.
Pagbabahagi ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, ang gawaing ay bahagi ng patuloy na paglalakbay ng Simbahan sa diwa ng synodality, na sama-samang paglalakbay ng bayan ng Diyos, habang patuloy na ginagabayan ng Espiritu Santo upang magkaroon ng patuloy na pag-asa ang bawat isa.