314 total views
Nauunawaan ng Catholic Bishops Conference of Philippines–Permanent Committee on Public Affairs (CBCP–PCPA) na maaring makabuti ang K–12 program sa paglikha ng trabaho sa bansa.
Gayunman, iginiit ni CBCP-PCPA Chairman Lipa Archbishop Ramon Arguelles na hindi maaring isakripisyo at pabayaan na lamang ang mga gurong mawawalan ng trabaho at mga magulang na baon na sa utang makapag-kolehiyo lamang ang mga anak.
Inihayag ng Arsobispo na karapatan pa rin ng mga apektadong guro na may mapagkakakitaan upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya at isaalang din ang kalagayan ng mga magulang.
“Hindi lahat mapagbibigyan pero kung talagang development yan makabubuti. There are some sacrifices needed in terms of workforce pero hindi dapat pabayaan sila. Dapat maging useful pa rin sila at may kikitain pa rin sila, hindi yung basta aalisin. They have the right naman na magkaroon pa rin sila ng income.Mga magulang pinakinggan ba sila?,” pahayag ni Archbishop Arguelles sa Radyo Veritas
Sa datos na nakalap ng Council of Teachers and Staff Colleges and Universities of the Philippines o COTESCUP mula sa Commission on Higher Education o CHED, aabot sa 23 libong teachers and non-academic personnel ang mawawalan ng trabaho subalit naniniwala ang COTESCUP na mas malaki pa sa nabanggit na bilang ang maapektuhan ng K-12.
Nauna na ring sinuportahan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo,chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity ang isinampang Temporary Restraining Order o TRO ng mga guro matapos namang ibasura ito kamakalawa ng Korte Suprema.