1,780 total views
Nagpapasalamat si Rev. Fr. Israel Gabriel, kura paroko ng San Luis Obispo Parish sa Baler, Aurora sa lahat ng mga nagtulungan para sa kaligtasan ng mga residente mula sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Partikular na pinasalamatan ng Pari ay ang lokal na pamahalaan (LGUs) at lahat ng mga boluntaryong tumugon sa pangangailangan ng mga evacuees katuwang ang Simbahan.
Ayon kay Fr. Gabriel, umabot sa humigit-kumulang 1,500-indibidwal ang pansamantalang lumikas at nanatili sa Mount Carmel College of Baler na nagsilbing evacuation center sa Baler at karatig-barangay.
“Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng mga LGUs specially nagtulong tulong po kaming lahat, the church and the government helping each other at again pagpapasalamat natin sa lahat ng mga taong nanalangin.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Gabriel sa Radyo Veritas.
Pinasasalamatan din ni Fr. Gabriel, ang lahat ng mga nanalangin upang ipag-adya ang lahat mula sa anumang kapahamakan na dulot ng malakas na bagyo.
Pagbabahagi ng Pari, patuloy rin ang koordinasyon ng parokya sa mga awtoridad upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuee na nananatiling matatag ang pag-asa na nakaugat sa pananampalataya.
“Sabi nga nila, wala na tayong ibang kakapitan pa kundi ang Diyos, dahil ang direksyon mismo ng bagyo ay patungo sa Baler. Kaya let’s keep on praying, God will do the impossible as He loves us very much.” Dagdag pa ni Fr. Gabriel.
Pagbabahagi ni Fr. Gabriel, maging sa harap ng unos ay nananatiling buhay ang diwa ng bayanihan at pananampalataya sa Baler, Aurora na isang patunay na sa kabila ng dilim, ang liwanag ng pagkakaisa at pananalig sa Diyos ay hindi kailanman mawawala.
Kaugnay nga nito, naitala sa Dinalungan, Aurora ang unang landfall ng Super Typhoon Uwan na nagdulot ng storm surge sa mga baybayin ng lugar.




