567 total views
Mga Kapanalig, sa kabila ng modernong teknolohiya at mga makabagong kaalaman, mukhang napakahirap maging bata sa panahon at lipunan natin ngayon. Isang dahilan nito ang mga mabibigat at malalaking inaasahan o “expectations” ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Gaya na lang sa pag-aaral. Kung may kakayanan ang mga magulang, kahit ang mga batang tatlong taong gulang pa lamang ay ipinapasok na sa paaralan para umano masanay silang makisalamuha sa kapwa bata. Ngunit para sa ibang magulang, paraan ito para maging mas angat ang dunong ng kanilang anak.
Madadagdagan pa ang “pressure” sa mga bata kapag tumapak na sila sa elementarya. At ngayon ngang mayroon na tayong K-to-12 Program, labindalawang taóng mag-aaral ang mga bata. Pagtungtong ng senior high school, iisipin din nila kung aling “strand” ang tatahakin. At maninimbang sila: pipiliin ba nila ang “strand” na ayon sa kanilang interes na pag-aralan o ang kursong gusto ng kanilang mga magulang para sa kanila.
Sa ating bayan kung saan ang maayos at de-kalidad na edukasyon ay nananatiling pribiliyeho sa halip na karapatan ng lahat ng bata, may “pressure” din kung saang paaralan makapapasok at makapagtatapos ang mga bata. Malaking bagay din para sa mga magulang kung mataas ang grades ng mga bata at mas malaking karangalan sa pamilya kung may honors pa. Kaya naman sakit sa kalooban ang dala sa mga magulang ng mga batang nawawalan ng interes mag-aral at hindi makakatanggap ng diploma.
Isang paglalarawan ito ng kung paano nga ba ang maging bata sa panahon natin ngayon. Tandaan nating ang mga ito ay bunga ng lipunang magkakasama nating binubuo, ngunit sa maraming pagkakataon ay hindi kasama ang mga bata. Umiiral pa rin kasi ang pananaw na ang mga bata ay nakabababa sa ating lipunan, kahit sa loob ng ating mga tahanan.
Sa Amoris Laetitia o sa Ingles ay “On Love in the Family” ni Pope Francis, binibigyang-diin ng Simbahan ang malaki at mahalagang papel ng mga magulang para sa paghuhubog ng kaisipan, ugali, at katauhan ng mga bata. Gaya ng kasabihan, ang tahanan ang unang paaralan ng mga bata at dahil dito, ayon nga sa Amoris Laetitia: “It follows that [parents] should take up this essential role and carry it out consciously, enthusiastically, reasonably and appropriately.” Dapat na tupdin ng mga magulang ang kanilang tungkulin nang may tunay na pag-akò, masigasig, makatwiran, at naaangkop.
Ngunit paalala ni Pope Francis, hindi makatutulong kung kokontrolin ng mga magulang o mga nakatatanda ang lahat ng sitwasyong maaaring maranasan ng mga bata, kahit sa pag-aaral. “Obsession is not education,” sabi nga ni Pope Francis. Mas mahalaga ang oras kaysa sa lugar. Ibig sabihin, mas mainam para sa mga magulang at kanilang mga anak ang magkaroon sila ng oras sa isa’t isa sa halip na pairalin ang otoridad ng mga magulang para idikdik sa isipan ng kanilang mga anak ang mga bagay na sa tingin nila ay ang tama.
Kaya’t mahalagang magkaroon ang mga magulang ng kakayahang akayin ang mga bata nang may pagmamahal. Ang mga bata ay dapat ginagabayan patungo sa pagkakaroon ng kalayaan, disiplina, at kakayahang magpasya. Kung pag-ibig ang paiiralin ng mga magulang sa halip na kontrol, mabibigyan ng pagkakataon ang mga bata, habang sila ay lumalaki, na hubugin ang kanilang kakayahang harapin nang mga hamon ng buhay. Tutulong ang kanilang karanasan upang sa kalauna’y maging marunong at maingat sila sa kanilang mga gagawing pagpapasya.
Mga magulang, nais kong iwan ko sa inyo ang tanong ni Pope Francis sa Amoris Laetitia: Ninanais ba nating unawain kung “nasaan” ang ating mga anak sa kanilang paglalakbay? Nasaan kaya ang kanilang diwa at kaluluwa, alam ba natin? Higit sa lahat, gusto ba nating alamin?
Sumainyo ang katotohanan.