6,940 total views
Muling nanawagan ang mga residente ng Sibuyan Island sa Romblon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na agarang kanselahin ang mining contract ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC), kasabay ng paggunita sa ikatlong anibersaryo ng pagbabarikada laban sa operasyon ng kumpanya.
Ayon kay Sibuyanons Against Mining (SAM) coordinator Elizabeth Ibañez, halos isang taon na ang nakalipas mula nang ihain nila ang petisyon para sa kanselasyon ng kontrata, ngunit wala pa ring malinaw na tugon mula sa DENR.
Iginiit ni Ibañez na ang paggunita sa anibersaryo ng barikada ay sumasalamin sa matibay na paninindigan ng mga komunidad laban sa pagmimina.
“We will continue to resist in the barricades and elsewhere until Altai Mining is permanently booted out of our island,” giit ni Ibañez.
Nabahala naman si Living Laudato Si’ Philippines executive director Rodne Galicha, tungkol sa patuloy na pagbalewala ng DENR na tugunan ang kanilang petisyon.
Sinabi ni Galicha, lumabag ang Altai Mining sa ilang batas, kabilang ang pagtatayo ng mga istrukturang walang Environmental Compliance Certificate, kawalan ng foreshore lease agreement, at pagputol ng mga puno nang walang permit, dahilan upang maglabas ang DENR ng cease and desist order.
“Despite the violative and illegal activities of mining companies, President [Ferdinand] Marcos, Jr. has consistently chosen to uphold large-scale mining operations over the welfare of the people and environment,” dagdag ni Galicha.
Samantala, iginiit naman ni Alyansa Tigil Mina national coordinator Jaybee Garganera, na malinaw sa karanasan ng Sibuyan na pagpapanggap lamang ang konsepto ng responsableng pagmimina.
Aniya, ipinapakita ng nangyayari sa Sibuyan Island na walang tunay na paninindigan ang pamahalaan upang papanagutin ang mga lumalabag na kumpanya.
“In short, environmental destruction and human rights violations in mining communities are deemed acceptable by this government,” pahayag ni Garganera.
Itinatag ng mga residente ang barikada noong January 24, 2023 upang pigilan ang transportasyon ng nickel ore ng Altai Mining, at iginiit ang ilegal na operasyon ng kumpanya.
Noong March 4, 2025, naghain ng pormal na petisyon ang mga community leader sa DENR upang kanselahin ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng kumpanya.




