2,900 total views
Tiniyak ni Ipil Bishop Glenn Corsiga ang patuloy na pakikilakbay sa pamayanan ng Zamboanga Sibugay.
Kasabay ng pagsisimula ng kanyang misyon bilang obispo ng diyosesis, kinilala ni Bishop Corsiga ang aktibong Basic Ecclesial Communities (BEC) sa lokal na simbahan sa lalawigan.
Sinabi ni Bishop Corsiga na palalawakin pa ang mga gawaing pagpapastol upang higit na mapatibay at mapagbuklod ang mananampalataya.
“Because the base of this church is the vibrant base of BEC, and I have already seen how BEC contributed to the ministries of the diocese, there are a lot of apostolates that we can still do to contribute to the life of the people and the improvement of faith communities existing in Ipil,” pahayag ni Bishop Corsiga sa Radyo Veritas.
Nagagalak si Bishop Corsiga sa pagsisimula ng kanyang gawaing pastoral sa diyosesis, katuwang ang humigit-kumulang 50 mga pari sa 26 na parokya, kasama ang mga relihiyoso at kalahating milyong katoliko sa lugar.
Binigyang diin din ng bagong obispo ng Ipil ang pagpapasigla sa simbahang sinodal, kung saan bukod sa mga mananampalataya sa kanyang nasasakupan, kakalingain din ang iba pang kasapi ng mga komunidad kabilang ang mga lumad, Muslim, at lalo na ang mga naisasantabi ng lipunan.
“I also look forward to walking with you, listening to your pleas and concerns, and leading as your shepherd to become a church that continues to journey in communion, participation, and mission,” ani Bishop Corsiga.
Pormal na niluklok si Bishop Corsiga sa cathedra ng St. Joseph the Worker Cathedral sa Ipil, Zamboanga Sibugay nitong August 14 sa ritong pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Sa pagninilay naman ni Zamboanga Archbishop Julius Tonel, pinaalalahanan nito si Bishop Corsiga na bagamat bago sa naturang lugar, ay nanatiling kaisa at kapiling sa kalinga ng Mahal na Birhen del Pilar, ang patrona ng Zamboanga Peninsula.
Kasabay ng pagluklok ng obispo ay ang kapistahan ni St. Maximilian Kolbe, kaya’t hinimok ang bagong pastol ng Ipil na tularan ang mga gawi ng santo na isinasabuhay ang turo ni Hesus.
Noong July 29, inordinahan si Bishop Corsiga sa St. Catherine of Alexandria Cathedral Parish ng Diocese of Dumaguete.
Dumalo sa pagluklok kay Bishop Corsiga ang mahigit 30 mga obispo at opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na unang dumalo sa ordinasyon at pagluklok kay Bishop Ronald Anthony Timoner sa Diocese of Pagadian sa Zamboanga del Sur.