4,112 total views
Umaapela ang mga Obispo ng Pilipinas ng transparency, pananagutan at panunumbalik sa mga katuruan ng simbahan na huwag magnakaw at ayusin ang paggastos sa kaban ng bayan.
Hinimok ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mga Pilipino na muling isabuhay at paigtingin ang pagsusulong ng adbokasiya na ‘HUWAG KANG MAGNAKAW’ sa lipunan.
Ayon sa Obispo, ito ay sa mga natuktuklasan katiwalian at korapsyon ngayon laban sa mga opisyal ng pamahalaan at may kaugnayan sa kaban ng bayan.
Iginiit ni Bishop Pabillo ang adbokasiya upang bigyan ng katarungan ang pasakit na nararanasan ng mga mamamayan katulad ng matinding pagbaha sa ibat-ibang bayan sa Pilipinas.
“Ngayon ay kailangan nating ibalik ulit yun programang Huwag kang Magnakaw kasi nababalitaan natin ang daming katiwalian ulit, bribing o kaya yung paggamit ng mga ghost projects, yung sa flood control projects, yan po ay pagnanakaw sa taong bayan, pagnanakaw sa gobyerno Nakita po natin na napakarami po ang mga taong nahihirap dahil diyan sa pagnanakaw na iyan, naging malaking pera pa, bilyon-bilyon na ang perang nawawala at dahil dito ang mga serbisyo sa bayan ay hindi nagagawa kaya manawagan tayo muli, lakasan natin ang boses natin na HUWAG KANG MAGNAKAW! Kasalanan ang magnakaw, lalong-lalo na sa kaban ng taumbayan.” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Binigyan diin naman ni Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco na napapanahong paigtingin ang pagtuturo sa kapwa ng mga katuruan ng simbahan upang maiwasan ang anomalya at katiwalian sa paghawak ng kaban ng bayan.
Ayon sa Obispo, tungkulin ng simbahan at mga kristiyano na isulong ang katarungang panlipunan kung saan pananagutin ang sinumang mapapatunayan sangkot sa mga katiwalian higit na ang paghawak ng pera ng bayan nang mga opisyal sa pamahalaan.
Sa pamamagitan ng pagpapanagot at higit na pagtuturo sa kapwa ng layunin ng Panginoon para sa bayan, panalangin ni Bishop Ongtioco na higit na makita ng mga tao ang kanilang kapwa na nalugmok sa kahirapan.
Nanindigan ng Obispo na nararapat gamitin sa tamang mga proyektong ang kaban ng bayan at isusulong ang pagbibigay ng kalidad, may dignidad at mataas na antas na pamumuhay higit na hanggang sa mga pinakamahihirap na bahagi ng lipunan.
“Kailangan siguro yung hindi lang magandang policies pero dapat ipinatutupad at kung sakaling may pang-aabuso ay dapat managot o kung kailangan parusahan, laging may pananawagan bumalik sa basic values katulad ng honesty, sincerity, respect for people, reaching out to the poor, The Church is all the more challenged to be a light of hope by proclaiming justice, accountability and responsibility… going back to the Christian call to imitate Christ who came not to be served but to serve and give His life for many.” ayon naman sa mensaheng pinadala ni Bishop Ongtioco sa Radyo Veritas.
Umaapela din si Bishop Pabillo at Ongtioco na panagutin sa batas ang mga sangkot na opisyal ng pamahalaan, mga mambabatas at mga kontraktor na sangkot sa mga palpak na flood control projects sa bansa.