6,180 total views
Hinimok ni San Jose, California Auxiliary Bishop Andres Ligot ang Filipino community sa lugar na panatilihing nakasentro kay Kristo ang pagdiriwang ng Simbang Gabi, na higit pa sa isang tradisyong kultural kundi isang malalim na espiritwal na pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Sa kanyang homiliya sa Simbang Gabi 2025 Kickoff Mass noong December 10 sa Our Lady of Guadalupe Church, sinabi ng obispo na ang nasabing debosyon ay “spiritual identity” na tinataglay ng mga Pilipino saanmang bansa sila naroroon.
“Simbang Gabi is more than a set of liturgies. It is more than a cultural event. It is a spiritual identity we carry wherever we go… Let Simbang Gabi never be a stage for personalities, but always a platform for Christ,” ani Bishop Ligot.
Binanggit ng obispo na ang Simbang Gabi ay patunay ng pananabik ng mga Pilipino sa pagsilang ng Manunubos, dala ang pag-asang nagliliwanag sa kabila ng mga hamon sa araw-araw na buhay, lalo na para sa mga kababayan na malayo sa kanilang tahanan.
Dagdag ng obispo, ang patuloy na pagdiriwang ng Simbang Gabi ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo ay paggalang sa pananampalatayang minana mula sa mga ninuno, mga kaugaliang higit pang nagpapalalim sa buhay-espiritwal at pakikipagkapwa.
“This is the spirit of Simbang Gabi. We rise early or gather late not just to keep a tradition, but to bring our lives to Jesus, our joys, our tiredness, our fears, our hopes… This devotion has formed generations. It has taught us sacrifice, perseverance, community, and joy,” dagdag ng obispo.
Tampok din sa pagdiriwang ang commissioning ng mga maglilingkod para sa Simbang Gabi, kung saan pinaalalahanan ni Bishop Ligot ang mga volunteers, choir members, at lay leaders na maglingkod nang may kababaang-loob at may pusong nakatuon kay Kristo.
“Competition has no place in ministry. Gossip destroys the unity Christ asks of us. Resentment closes the door to grace. Self-promotion contradicts the Gospel… Open the doors wider. Welcome others more readily. Make our liturgies accessible even to those who do not speak Tagalog,” paalala ni Bishop Ligot.
Tinukoy rin ng obispo na nakikita ng Diyos ang pagod at paghihirap ng mga naglilingkod sa simbahan, at patuloy silang bibigyan ng lakas upang magpatuloy sa misyon.
Tinatayang 61,300 ang mga Pilipinong naninirahan sa San Jose, California, o anim na porsyento ng kabuuang populasyon, batay sa American Community Survey.
Nagpasalamat si Bishop Ligot sa mainit na suporta ng Filipino community sa kanyang unang pagdiriwang ng Simbang Gabi bilang katuwang na obispo ng diyosesis, makalipas ang kanyang episcopal ordination noong November 3.




