34,645 total views
Tiniyak ng palasyo na handa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sumailalim sa lifestyle check.
Ito ay kasabay na rin ng hamon ng Pangulo sa lahat ng opisyal ng pamahalaan kasabay ng lahat ng opisyal at kawani ng Executive Department, sa harap ng kontrobersiya sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, “Lahat ng parte ng ehekutibo ay ready for lifestyle check… pati po ang Pangulo ay ready!”
Sinabi pa ni Castro na bukas din ang Pangulo na ipakita ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), kung kinakailangan at bilang bahagi ng proseso.
Una ng sinabi ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na inaasahan niyang dumaan si Marcos sa lifestyle check at iginiit na mas magiging makahulugan at kapani-paniwala kung isasapubliko rin ng Pangulo ang kanyang SALN.
“’Wag po tayong lumayo sa isyu. Ang isyu po ngayon ay habulin ang mga sangkot sa flood control projects,” paliwanag naman ni Castro.
Nilinaw naman ng Palasyo na may kapangyarihan ang Office of the Ombudsman bilang isang independent constitutional body na magsimula at magtakda ng mekanismo para sa naturang lifestyle check.




