69,328 total views
Justice for everyone! Hindi ito umiiral sa Pilipinas.
Ang masakit na katotohanan Kapanalig, hinulma na ng justice system at political system ang Pilipinas sa kultura ng “impunity” o kalayaan mula sa parusa.
Pinaglalaruan at binabalewala lamang ng mga ganid na pulitiko ang Constitution of the Philippines.
Sa kasalukuyan, patuloy na nababaon ang Pilipino sa korapsyon at unethical governance o kawalan ng moral na pamamalakad ng mga halal at opisyal ng gobyerno.
Nakakabahala na ang mga “loophole” sa sistema ng hustisya sa bansa., umiiral sa justice system ng bansa ang “justice delay, justice denied”. Hindi na tsismis lamang na ang mga kaso sa hukuman ay nabibili., o kaya naayos na. Mga incompetent na hukom, kung pipitsugin ka, guilty ang hatol… kung kilala, maimpluwensiya, mapera…absuwelto sa kaso.
Para sa isang ordinaryong Pilipino., ang paghahanap ng katarungan ay napakahirap., nakakapagod, magastos at ang masakit, ang hustisya ay paborable sa mga makakapal ang bulsa. Normal na o kalakaran na ito sa justice system ng Pilipinas. Nakakagalit na ang “legal manuevering” sa husgado. Napakabagal ang pag-usad ng katarungan.
Kapanalig, kung napakabagal ng justice system… nakapa-kupad din ang law enforcement sa bansa. Bago nakakilos ang korte at otoridad, nakatakas at hindi na mahanap ang isang kriminal o mga pinaghihinalaang sangkot sa krimen at korapsyon. Mahina ang mga otoridad natin sa paghahanap sa mga nakapuslit na nagkasala sa batas. Paano kasi, pera-pera din ang pinapairal sa Bureau of Immigration.
Halimbawa ng palpak at usad-pasong na justice system sa Pilipinas..Ipinag-utos ng Presidente ng Pilipinas sa DILG at PNP na hanapin ang nagtatagong kontrobersiyal na kontraktor na si Sara Discaya, kasabwat na si Maria Roma Angeline Rimando at iba pang sangkot sa multi-bilyong pisong korapsyon sa flood control projects ng pamahalaan. Hanapin lang pala kung nasaan si Discaya… para madaling maaresto kung lumabas na ang warrant of arrest. Ang bilis diba? Ang PNP, nagpahayag ng kahandaan sa pagtalima sa kautusan… Di kaya, abiso ang kautusan para maalerto at makatakas si ginang Discaya.
Matagal nang nakapuslit ng Pilipinas si dating AKO-Bicol partylist representative Zaldy Co bago magpalabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan. Si Co ay kinasuhan ng graft and malversation ng Ombudsman kaugnay sa maanomalyang 289.5-milyong pisong road dike project sa Oriental Mindoro. Ang nakakulong lamang ay mga pipitsugin… Ang mga Senador at mga kongresista na isinasangkot sa eskandalo ay inaaayos pa., inaareglo pa ang alegasyon. Ang malinaw, bago pa makasuhan ang sinuman sa mga mambabatas, wala na ang anino nito sa Pilipinas.
Ang nakakalungkot., hindi tiyak ng Philippine enforcement agencies kung nasaang panig ng mundo si Co. Ito ang problema sa Pilipinas, bakit nakakapuslit ang mga mapepera bago pa malitis sa korte ang kanilang kaso?
Kapanalig, patuloy ba nating hayaan na abusuhin ng mga utak-kriminal na opisyal ng pamahalaan at mga mambabatas ang integridad ng hustisya at demokrasya sa Pilipinas? Tandaan natin Kapanalig, nasa atin ang kapangyarihan na pumili ng mga kinatawan sa pagpapatakbo ng pamahalaan.
Itinuturing ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang laganap na korapsyon na “moral wrong”. Sinasabi ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na ang corruption ay “venomous evil, it can kill”.
Sumainyo ang Katotohanan.




