78,367 total views
Kapanalig, pagdating sa plastic wastes, sikat ang Pilipinas.
Maraming pag-aaral ang nagsasabi na tayo ay isa sa mga nangungunang plastic polluter sa buong mundo, at ang plastic waste natin ay pangunahing taga-pollute ng mga karagatan. Mahirap itanggi ito kapanalig, lalo pa’t umaabot sa 2.7 milyong tonelada ang plastic waste natin kada taon.
Ang laki ng volume ng plastic waste sa ating bansa, at hindi makahabol ang ating pagre recycle. Marami man sa ating mga LGUs ang may Waste Materials Recovery Facility, hindi naman lahat ng tahanan o pamayanan ay nagpa-praktis ng waste segregration. Hindi din lahat ng mga LGUs at barangay ay may aktibong programa para sa recycling, kaya’t sa household o community level, hindi naisasagawa ang recycling sa maraming pamayanan. Mahirap din minsan habulin ang basura, lalo pa’t sa hanay naman ng mga mamamayan, sanay na sanay ang mga consumers sa mga tingi-tingi na produktong nakabalot sa plastic. Ito ang mabili dahil ito ay mura.
Maliban pa dito, kahit may batas na naglalayong managot ang mga negosyo o kumpanya sa mga plastic packaging na kanilang nililikha, tila kaunti pa lamang ang tunay na may programa para sa plastic waste recovery.
Nakakalungkot na hanggang ngayon ay kulang o bitin pa rin ang aksyon natin tungkol sa plastic waste. Maliban sa kahihiyan, kapanalig, na isa tayo sa pangunahing plastic polluters, tandaan natin na ang plastic pollution ay banta sa ating kalusugan at kalikasan.
Ang plastic na ating ginagamit ay hindi nabubulok. Nababali lang sila ng nababali at lumiliit ng lumiliit at nagiging microplastic. Ang mga ito ay nakakain ng mga hayop pati ng tao. Pumapasok ito sa ating katawan. Ayon sa UNEP, nakita na ang mga microplastics sa mga baga ng tao, atay, sa spleen, pati sa kidneys. May pag-aaral pa nga na nakita ang microplastic sa placenta ng mga mga bagong panganak na sanggol.
Urgent, kapanalig, ang isyu ng plastic waste. Kailangan natin itong harapin ng agaran, kailangan natin harapin ng maayos. Mula sa household level hanggang national level, kailangan may systematic practice ng waste management upang tunay na mabawasan ang plastic waste sa ating bansa.
Kapanalig, tandaan natin na ayon nga sa Caritas In Veritate: The environment is God’s gift to everyone, and in our use of it we have a responsibility towards the poor, towards future generations and towards humanity as a whole. Ang patuloy na pagdami ng ating plastic waste ay sumisira sa ating kalikasan, sa ating buhay, at sa buhay ng mga susunod na henerasyon. Huwag sana nating sirain ang kinabukasan nating lahat dahil lamang sa plastic.
Sumainyo ang Katotohanan.