2,522 total views
Patuloy na ipinatutupad ang ‘price freeze’ sa presyo ng bilihin sa mga lugar na nasa ilalim state of calamity sa Oriental Mindoro.
Ito ayon kay Arnel Hutalla, provincial director ng Department of Trading Industry (DTI) Oriental Mindoro, dulot na rin ng epekto ng oil spill nang lumubog na MT Princess Empress na naglalaman ng 800-libong litro ng industrial fuel noong February 28.
“So meron na po tayong price freeze sa mga produktong ito tulad po ng can sardines, process milk, coffee, laundry and detergent soap, candles, syempre yung pong bread loaf and tasty, portable waters in bottles po at yung pong mga instant noodles naka price freeze po yung mga presyo niyan sa mga bayan po dito sa Oriental Mindoro,” ayon kay Hutalla.
Tatagal ang ‘price freeze’ ng 60-araw o dalawang buwan sa mga lugar na nagpatupad ng state of calamity.
Sa ulat, siyam na bayan ang nasa ilalim ng state of calamity kabilang na ang Naujan, Pola, Gloria, Pinamalayan, Bansud, Bongabong, Roxas, Mansalay, at Bulalacao sa Oriental Mindoro.
Nanatili naman sa karaniwang presyo ang mga isda at ibang mga lamang dagat kahit na nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng fishing ban sa mga apektadong pangisdaan sa lalawigan.
“So ang aming pong supply ng isda ay galing po sa aming mga kalapit na probinsya sa Occidental Mindoro at iba po ay galing sa Batangas,” dagdag pa niya.
Nagbabala naman ang DTI sa pagpapataw ng karampatang parusa sa mga lalabag sa umiiral na price freeze.