26,481 total views
Huwebes sa Ika-4 na Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Exodo 32, 7-14
Salmo 105, 19-20. 21-22. 23
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Juan 5, 31-47
Thursday of the Fourth Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Exodo 32, 7-14
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inialis mo sa Egipto, naroon at nagpapakasama. Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila’y iyon ang diyos na nag-alis sa kanila sa Egipto. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matigas ang kanilang ulo. Kung gusto mo, lilipulin ko sila at sa iyo ko pagmumulain ang isang malaking bansa.”
Nagsumamo si Moises sa Panginoon, “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inialis ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita’y inialis ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong balak laban sa kanila. Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihin tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupaing ipinangako ninyo.” Hindi nga itinuloy ng Panginoon ang balak na paglipol sa mga Israelita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 19-20. 21-22. 23
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Sa may Bundok ng Horeb, doon ay naghugis niyong gintong baka,
matapos mahugis ang ginawa nila’y kanilang sinamba.
Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Kanilang nilimot ang Panginoong Diyos, ang Tagapagligtas,
na yaong ginawa doon sa Egipto’y kagila-gilalas.
Sa lupaing iyon ang ginawa niya’y tunay na himala.
Sa Dagat na Tambo yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Ang pasiya ng Diyos sa ginawa nila’y lipulin pagdaka,
agad na dumulog sa Poon, si Moises namagitan siya,
at hindi natuloy yaong kapasiyahan na lipulin sila.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16
Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay
upang mabuhay kailanman
ang nananalig na tunay.
MABUTING BALITA
Juan 5, 31-47
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, huwag ninyong tanggapin, ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya. At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma’y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, at nakita ang kanyang anyo. Walang pitak sa inyong puso ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo nananalig sa akin na sinugo niya. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan, sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga ito ang nagpapatotoo tungkol sa akin, ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo’y magkaroon ng buhay.
“Hindi ako naghahangad ng parangal ng mga tao. Ngunit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya’y inyong tatanggapin. Ang hinahangad ninyo’y ang parangal ng isa’t isa, at hindi ang parangal na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayong makapaniniwala? Huwag ninyong isiping ako ang magsasakdal sa Ama laban sa inyo; si Moises na inaasahan ninyo ang siyang maghaharap ng sakdal laban sa inyo. Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, ako’y paniniwalaan din sana ninyo, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga sinasabi ko?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Huwebes
Madalas ay lumilihis tayo sa daan ng Panginoon. Humingi tayo sa kanya ng lakas upang makapamuhay tayo nang may pananampalataya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, lunasan Mo ang aming kawalan ng pananampalataya.
Ang mga Kristiyano sa lahat ng dako nawa’y manalangin nang higit na mataimtim sa panahong ito ng Kuwaresma, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga walang pananampalataya nawa’y makinig sa Salita ng Diyos upang sila ay maligtas, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kasalukuyang kaguluhan sa Simbahan nawa’y malutas sa paglago ng pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mahihirap, maysakit, at mga may kapansanan nawa’y madama ang presensya ng Diyos sa kanilang buhay sa pagtataguyod ng kanilang mga pamilya at kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makarating sa kanilang walang hanggang tahanan sa tulong ng ating mga panalangin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, turuan mo kami sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang hayagan naming aminin ang aming pananampalataya sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.