249 total views
Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael
Daniel 7, 9-10. 13-14
o kaya Pahayag 12, 7-12a
Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5
Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.
Juan 1, 47-51
Feast of Saints Michael, Gabriel, and Raphael, Archangels (White)
UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Pahayag 12, 7-12a
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Sumiklab ang digmaan sa langit! Naglaban si Arkanghel Miguel, kasama ang kanyang mga anghel, at ang dragon, kasama naman ng kanyang mga kampon. Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at pinalayas sila sa langit. Itinapon ang dambuhalang dragon – ang matandang ahas na ang pangala’y Diyablo o Satanas, na dumaya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa, pati ang kanyang mga kampon.
At narinig ko ang isang malakas na tinig buhat sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesiyas ang kanyang karapatan! Pagkat pinalayas na sa langit ang umuusig araw at gabi sa mga kapatid natin. Nagtagumpay sila laban sa Diyablo sa pamamamagitan ng dugo ng Kordero at ng kanilang pagsaksi sa katotohanan; hindi sila nanghihinayang sa kanilang buhay. Kaya’t magalak kayo, kalangitan, at lahat ng naninirahan diyan!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5
Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasasalamat
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap
sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.
Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.
Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika’y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.
ALELUYA
Salmo 102, 21
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y purihin
ng lahat n’yang mga anghel
na tapat at masunurin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 1, 47-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus si Natanael, ay kanyang sinabi, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi mandaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “Nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
San Miguel, San Gabriel, at San Rafael
Ang ating mga panalangin sa araw na ito ay inilalapit natin sa Ama sa pamamagitan ng pagkilos ng mga banal na Arkanghel, ang mga ganap na espiritu na walang tigil na naglilingkod sa Diyos at sa kanyang bayan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel,
pagpalain Mo kami, O Panginoon.
Ang mga Kristiyanong nagdurusa dahil sa pag-uusig nawa’y ipagtanggol at palakasin ni San Miguel, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagpapahayag ng katotohanan nawa’y mabuhayan ng loob sa pangangalaga ni San Gabriel, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga kapatid na maysakit at nagdurusa nawa’y aliwin ni San Rafael, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng kababaan ng loob sa harap ng hiwaga ng paglikha na hindi natin nakikita, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang laging mamalayan ang pagkilos ng ating mga anghel na tagatanod, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na Maylikha sa amin, tanggapin mo ang aming mga panalangin at kahilingan habang nagdiriwang kami dahil sa tulong ng mga anghel sa kalangitan na natitipon sa paligid ng dambanang ito. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.