2,335 total views
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan
Genesis 3, 9-15. 20
o kaya Mga Gawa 1, 12-14
Salmo 87, 1-2. 3. at 5, 6-7.
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
Juan 19, 25-34
Memorial of the Blessed Virgin Mary, Mother of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 3, 9-15. 20
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Pagkakain ni Adan sa bunga ng puno, tinawag siya ng Panginoon at tinanong,
“Saan ka naroon?”
“Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” tugon ng lalaki.
“Sinong may sabi sa iyong hubad ka?” tanong ng Diyos. “Bakit kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”
“Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.
“Bakit mo naman ginawa iyon?” tanong ng Diyos sa babae.
“Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” tugon naman niya.
At sinabi ng Panginoon sa ahas:
“Sa iyong ginawa’y may parusang dapat,
na tanging ikaw lang yaong magdaranas;
ikaw ay gagapang, ang hatol kong gawad,
at alikabok ang pagkaing dapat.
Kayo ng babae’y laging mag-aaway, binhi mo’t binhi niya’y laging maglalaban.
Ito ang dudurog ng ulo mong iyan, at ang sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.”
Eva ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat ito ang ina ng sangkatauhan.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Mga Gawa 1, 12-14
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Pagkaakyat ni Hesus sa langit, ang mga apostol ay nagbalik sa Jerusalem buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo. Ang mga ito’y sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon, ang Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. Pagdating sa kanilang tinutuluyan sa lungsod, nagtuloy sila sa silid sa itaas. Lagi silang nagsasama-sama sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Mariang ina ni Hesus, gayun din ang mga kapatid ni Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 87, 1-2. 3. at 5, 6-7.
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
Sa Bundok ng Sion,
itinayo ng Diyos ang banal na lungsod,
ang lungsod na ito’y higit niyang mahal
sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
Kaya’t iyong dinggin ang ulat sa iyong mabubuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
At tungkol sa Sion, yaong sasabihin’y,
“Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya’y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
Ang Poon ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo’y mamamayan,
ang lahat ng ito ay magsisiawit at pawang sasayaw.
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya, Aleluya!
Birheng Mariang mapalad,
dapat magpuri ang lahat
sa iyo at sa ‘yong Anak.
Aleluya, Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 19, 25-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.
Alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip ni Hesus ang alak ay kanyang sinabi, “Naganap na!” Iniyukayok niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Noo’y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga sapagkat dakila raw ang araw ng Pamamahingang ito. Kaya’t hiniling nila kay Pilato na ipabali nito ang mga binti ng mga ipinako sa krus, at alisin doon ang mga bangkay. Naparoon nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Hesus. Ngunit pagdating nila kay Hesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang binti. Subalit inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang tagiliran ni Hesus, at biglang dumaloy ang dugo at tubig.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan
Manalangin tayo na matularan natin ang halimbawa ni Maria, nang may mababang-loob, puno ng pananampalataya, at laging handang tumupad sa kalooban ng Panginoon. Sa ating bawat panalangin, ang ating itutugon:
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
Bilang Bayan ng Diyos, tayo nawa’y sumulong sa ating paglalakbay sa pananampalataya sa ilalim ng paggabay at pagtuturo ng ating kaparian. Manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
Ang mga pinuno ng ating pamahalaan nawa’y gumawa ng lahat ng paraan upang maitaguyod ang kapayapaan at pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan Manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
Ang mga pamilya at pamayanan nawa’y magpahayag ng pasasalamat para sa mga biyayang tinatanggap ng bawat isa at ng lahat. Manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
Tulad ni Maria, tayo, nawa’y magsikap tayong mag-abot ng tulong sa ating kapwang labis na nangangailangan nito. Manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
Ang ating mga yumaong mahal sa buhay nawa’y makaranas ng kaligayahan sa piling ng Panginoon sa kanyang Kaharian. Manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
Diyos na aming Ama, ipinadarama mo ang iyong pananatili sa aming piling sa kabutihang-loob ng aming mga kapatid. Patuloy nawa naming ipahayag ang iyong pag-ibig sa pamamagitan ng buhay na nauukol sa paglilingkod. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.