2,662 total views
Martes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Bilang 21, 4-9
Salmo 101, 2-3. 16-18. 19-21
Dinggin mo ang aking dasal,
pagsamo ko’y paunlakan.
Juan 8, 21-30
Tuesday of the Fifth Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Bilang 21, 4-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, mula sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita patungong Dagat ng mga Tambo upang lihisan ang Edom. Dahil dito, nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay na yaon. Nagreklamo sila kay Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Dahil dito, sila’y pinadalhan ng Panginoon ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay namamatay. Kaya, lumapit sila kay Moises. Sinabi nila “Nagkasala kami sa Panginoon at sa iyo. Idalangin mo sa kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Dumalangin nga si Moises at ganito ang sagot sa kanya ng Panginoon, “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang tikin at sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay.” Gayun nga ang ginawa ni Moises. Mula noon, lahat ng matuklaw ng ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay hindi namamatay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 101, 2-3. 16-18. 19-21
Dinggin mo ang aking dasal,
pagsamo ko’y paunlakan.
Dinggin mo, O Poon, ang aking dalangin,
lingapin mo ako sa aking pagdaing;
O huwag ka sanang magkubli sa akin,
lalo sa panahong may dusa’t hilahil.
Pag ako’y tumawag, ako’y iyong dinggin
sa sandaling iyo’y agad mong sagutin.
Dinggin mo ang aking dasal,
pagsamo ko’y paunlakan.
Ang lahat ng bansa sa Poon ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
Kung iyong itayong pamuli ang Sion,
Ikaw’y mahahayag doon, Panginoon.
Daing ng mahirap ay iyong diringgin,
di mo tatanggihan ang kanilang daing.
Dinggin mo ang aking dasal,
pagsamo ko’y paunlakan.
Ito’y matititik upang matunghayan,
ng sunod na lahing di pa dumaratal;
Ikaw nga, O Poon, ay papupurihan.
Mula sa itaas, luklukan mong banal,
ang lahat sa lupa’y iyong minamasdan.
Iyong dinirinig ang pagtataghuyan
ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.
Dinggin mo ang aking dasal,
pagsamo ko’y paunlakan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ang butil na ipinunla
ay ang banal na Salita.
Paghahasik ay ginawa
ng Poong Gurong dakila
upang tana’y sumagana.
MABUTING BALITA
Juan 8, 21-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “Ako’y yayaon; hahanapin ninyo ako, ngunit mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Hindi kayo makapupunta sa paroroonan ko.” Sinabi ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinasabing, ‘Hindi kayo makapupunta sa paroroonan ko?’” Sumagot si Hesus, “Kayo’y taga-ibaba, ako’y taga-itaas. Kayo’y taga-sanlibutang ito, ako’y hindi. Kaya sinabi ko sa inyo na mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Mamamatay nga kayo sa inyong mga kasalanan kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako’y si Ako Nga’. “Sino ka ba?” tanong nila. Sumagot si Hesus, “Ako’y yaong sinabi ko na sa inyo mula pa noong una. Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo ang sinasabi ng nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan.”
Hindi nila naunawaan na siya’y nagsasalita tungkol sa Ama. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako’y si Ako Nga.’ Wala akong ginagawa sa ganang sarili ko lamang; nagsasalita ako ayon sa itinuturo sa akin ng Ama. At kasama ko ang nagsugo sa akin; hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang nakalulugod sa kanya.” Marami sa nakarinig nito ang naniwala sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Martes
Buong pananampalataya tayong manalangin sa Ama, dahil sa pamamagitan ng pagpapakasakit ng kanyang Anak ay naligtas tayo sa lahat ng kaparusahan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, basbasan Mo kami sa ngalan ni Jesus.
Ang Bayan ng Diyos nawa’y magtagumpay sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong tumatanggap kay Jesus bilang Tagapagligtas nawa’y higit na madagdagan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taimtim na nagsisikap na hanapin ang katotohanan nawa’y matagpuan si Jesus na siyang liwanag na tumatanglaw sa kadiliman ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa dahil sa nararamdamang sakit, pagkabalisa, takot, at pangungulila nawa’y makita ang liwanag ni Kristo na tumatanglaw sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y tumanglaw ang liwanag na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit na pinagmumulan ng lahat ng biyaya, loobin mo na ang dugong ibinuhos ng iyong Anak ay magdulot ng higit na paglago sa pananampalataya upang maging makabuluhan para sa sangkatauhan ang kanyang pagpapakasakit. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.