6,974 total views
Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 5, 17-26
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Juan 3, 16-21
Wednesday of the Second Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 17-26
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, inggit na inggit ang pinakapunong saserdote at ang mga kasamahan niya na kaanib na sekta ng mga Saduseo, kaya’t kumilos sila. Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. Ngunit kinagabiha’y binuksan ng anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, “Pumaroon kayo sa templo at mangaral tungkol sa bagong pamumuhay na ito.”
Sumunod naman ang mga apostol, kaya’t nang magbubukang-liwayway, pumasok sila sa templo at nagturo.
Nang dumating ang pinakapunong saserdote at ang mga kasama niya, tinawag nila ang lahat ng matatanda ng Israel sa pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol. Ngunit pagdating doon ng mga bantay, wala na ang mga iyon. Kaya’t nagbalik sila sa Sanedrin at ganito ang ulat: “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang bilangguan at nakatayo ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” Nabahala ang mga punong saserdote at ang kapitan ng mga bantay sa templo nang marinig ito, at di nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol. Ngunit may dumating at nagbalita sa kanila, “Ang mga lalaking ikinulong ninyo ay naroon sa templo’t nagtuturo sa mga tao.” Kaya’t ang kapitan ay pumunta sa templo, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi gumagamit ng dahas dahil sa pangambang sila’y batuhin ng mga tao.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
o kaya: Aleluya!
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’y naligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
ALELUYA
Juan 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan
kaya’t Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 16-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules
Taglay ang pagtitiwala, ilapit natin ang ating mga alalahanin sa Diyos Ama na labis na nagmahal sa mundo kaya’t ibinigay ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang mga naniwala sa kanya, bagkus ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa ngalan ni Jesus, basbasan Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y laging maging buhay na tanda ng pag-ibig at habag ng Diyos sa mga panahon ng kadiliman at kawalan ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating pamumuhay, nawa’y maipadama natin sa kapwa ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga ginagawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang pag-ibig ng Diyos nawa’y maghatid ng kapayapaan sa ating mga puso at pagkakasundo ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y makaunawa na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng pangangalaga at pagkalinga ng kanilang pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mahal natin sa buhay na namayapa nawa’y makabahagi sa kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tunghayan mo nang may pag-ibig ang iyong mga anak at patnubayan mo kami sa aming paglalakbay patungo sa kaligtasan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.