7,677 total views
Paggunita kay San Francisco de Sales, obispo at pantas ng Simbahan
2 Samuel 7, 4-17
Salmo 88, 4-5. 27-28. 29-30
Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.
Marcos 4, 1-20
Memorial of St. Francis de Sales, Bishop and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 7, 4-17
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, “Ganito ang sabihin mo kay David: ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo’y tolda pa ang aking tahanan. Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang hukom tungkol sa tahanang sedro na dapat kong tirahan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ng Panginoon: ‘Inalis kita sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saanmang dako at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko patitirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang aalipin sa kanila tulad noong una, buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong Panginoon ay nagsasabi sa iyo: Patatatagin ko ang iyong sambahayan. Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. Kikilanlin ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya. Parurusahan ko siya, tulad nang pagpaparusa ng ama sa nagkasalang anak. Ngunit ang paglingap ko sa kanya’y hindi magbabago, di tulad ng nangyari kay Saul. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.’” Isinaysay ni Natan kay David ang lahat ng sinabi sa kanya ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 4-5. 27-28. 29-30
Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.
Sabi mo, O Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan.
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Gagawin ko siyang anak na panganay,
mataas na hari nitong daigdigan!
Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
at mananatili sa kanya ang tipan.
Laging maghahari ang isa n’yang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Salita ng D’yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 1-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling nagturo si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kaya’t lumulan siya sa isang bangkang nasa tubig at doon naupo. Ang karamihan nama’y nasa dalampasigan, nasa gilid na ng tubig. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinhaga. Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo! May isang magsasaka na lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Agad sumibol ang mga iyon, sapagkat manipis lamang ang lupa doon; ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga binhing tumubo kaya hindi nakapamunga. At may binhing nalaglag sa matabang lupa, at ito’y tumbo, lumago, at nag-uhay na mainam – may uhay na tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan ang butil.” Sinabi pa ni Hesus, “Ang may pandinig ay makinig.”
Nang nag-iisa na si Hesus, ang ilang nakarinig sa kanya ay lumapit na kasama ang Labindalawa, at hiniling na ipaliwanag ang talinghaga. Sinabi niya, “Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang lihim tungkol sa paghahari ng Diyos; ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. Kaya nga’t,
‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakita.
At makinig man nang makinig ay hindi makaunawa.
Kundi gayon, marahil sila’y magbabalik-loob sa Diyos at patatawarin naman niya.’”
Pagkatapos tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang ibang talinghaga? Ang inihahasik ay ang Salita ng Diyos. Ito ang mga nasa daan, na nahasikan ng Salita: pagkatapos nilang mapakinggan ito, pagdaka’y dumarating si Satanas, at inaalis ang Salitang napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kabatuhan. Pagkarinig nila ng Salita, ito’y agad nilang tinatanggap na may galak. Ngunit hindi naman ito tumitimo sa kanilang puso, kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Ang iba’y tulad ng napahasik sa dawagan. Dininig nga nila ang Salita, ngunit sila’y naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, naging maibigin sa mga kayamanan, at mapaghangad sa iba pang mga bagay, anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang mga puso kaya’t hindi sila nakapamunga. Ngunit ang iba’y tulad sa binhing napahasik sa matabang lupa: pinakikinggan nila at tinatanggap ang Salita, at sila’y nagsisipamunga – may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu, at may tigsasandaan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Tinuturuan tayo ni Kristo sa pamamagitan ng mga talinhaga. Si Kristo ang manghahasik ng binhi ng Salita ng Diyos. Tumugon tayo sa kanyang gawaing ito sa pamamagitan ng ating pagtawag sa Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Manghahasik, basbasan Mo kami.
Ang Simbahan sa daigdig nawa’y maging tulad ng mayamang lupa na nagbibigay bunga ng tig-iisandaang ani, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y mamuno sa pamamaraang kaaya-aya sa Diyos at sa kanilang nasasakupan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga hindi nasisiyasat na mga ambisyon at pagkamakasarili nawa’y hindi makasagabal sa Salita ng Diyos sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makaranas ng nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pumanaw nawa’y magtamasa ng liwanag, kaligayahan, at kapayapaan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, tulungan mo kaming makilala ang binhi ng iyong salita at gawa sa aming buhay. Huwag nawa kaming magambala ng mga alalahanin ng mundong ito, bagkus maging maliksi kami sa paglilingkod upang mamunga ang aming mga mabubuting gawain. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.