6,857 total views
Sabado sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay San Martin I, papa at martir
Mga Gawa 6, 1-7
Salmo 32, 1-2. 4-5. 18-19
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
Juan 6, 16-21
Saturday of the Second Week of Easter (White)
or Optional Memorial of St. Martin I, Pope and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 6, 1-7
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, dumarami na ang mga sumasampalataya at nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga babaing balo sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya’t tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga sumasampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya, mga kapatid, pumili kayo ng pitong lalaking kilala sa pagiging mabuti, matatalino at puspos ng Espiritu Santo, at ilalagay namin sila sa tungkuling ito. At iuukol naman namin ang buong panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng Salita.” Nalugod ang buong kapulungan sa panukala ng mga apostol; kaya’t pinili nila si Esteban, isang lalaking matibay ang pananalig sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na naakit sa Judaismo. Iniharap sila sa mga apostol; sila’y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay.
Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos; at ang sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. At maging sa mga saserdote, marami ang sumampalataya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1-2. 4-5. 18-19
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
o kaya: Aleluya!
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
Kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtataggutom sila’y binubuhay.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo’y muling nabuhay,
kanyang nilikha ang tanan,
mga tao’y dinamayan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 16-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Nang nagtatakipsilim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa, sumakay sa bangka, patawid sa Capernaum. Madilim na’y wala pa si Hesus. Lumakas ang hangin at lumaki ang alon. Nang makagaod sila nang mga lima o anim na kilometro, nakita nila si Hesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig, palapit sa bangka. At sila’y natakot. Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito!” Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Hesus sa bangka; at pagdaka’y sumadsad ang bangka sa kanilang patutunguhan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Sabado
Taglay ang panibagong tiwala sa pag-ibig ng Diyos na laging nakahandang tumulong, ilapit natin sa kanya nang may pagpapakumbaba ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin Mo kami.
o kaya
Ikaw ang aming kapanatagan, O Panginoon.
Ang Santo Papa at mga obispo nawa’y patnubayan ng Espiritu sa kanilang pag-akay sa kawan ng Diyos lalo na sa mga krisis na hinaharap ng Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y pagkalooban ng Diyos ng masaganang biyaya ng pananampalataya upang magkaroon tayo ng tapang na harapin ang mga pagsubok sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagpapatangay na lamang sa maunos na agos ng buhay nawa’y matagpuan ang Simbahan bilang isang payapang kanlungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maysakit nawa’y maihatid ang habag ni Kristo sa pamamagitan natin bilang tagapaghatid ng kanyang mapagmahal na pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong tapat sa Diyos nawa’y magtamasa ng kapahingahan sa Langit sa presenya ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, dagdagan mo ang aming pananampalataya upang ganap kaming makasalo sa buhay ng Simbahan upang matupad namin ang iyong banal na kalooban. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.