251 total views
Mga Kapanalig, ayon sa sociologist na si Max Weber, may dalawang uri ng propesiya: ang etikal na propesiya (o ethical prophecy), at ang ang propesiya ng halimbawa (o exemplary prophecy). Makikita ang dalawang uri ng propesiyang ito sa iba’t-ibang pagtugon ng ating Simbahan sa patayang nangyayari sa kampanya laban sa masamang droga.
Ang “etikal na propesiya” ay ang publikong pagpuna ng mga taong Simbahan sa maling nangyayari sa lipunan. Isang paraan nito ang mga liham at pahayag pastorál ng ating mga obispo. Kasama rin ang mga pahayag at panayam ng mga taong Simbahan na nailalathala sa mga pahayagan at ipinalalabas sa telebisyon. Maaari rin itong gawin sa mga homiliya at sama-samang pananalangin laban sa patayan. Kahit ang pagsasabit sa mga parokya ng tarpaulin na nagsasabing “Huwag kang papatay” ay halimbawa ng etikal na propesiya. Kasama rin ang “Walk for Life” at ibang sama-samang pagkilos na tumutol sa mga pagpatay, pati na rin ang pakikipagdiyalogo sa mga kapulisan at taong gobyernong may kinalaman sa kampanya laban sa droga.
Ang “propesiya ng halimbawa” ay ang pagpapamalas ng mga katuruan ng relihiyon sa pamamagitan ng paggawa. Kasama rito ang mga programa ng Simbahang tumutulong sa rehabilitasyon ng mga gumagamit ng droga, ang pagtulong sa mga nagtutulak ng droga na magkaroon ng marangal na kabuhayan, edukasyon laban sa droga, at pakikiramay at pag-aayuda sa mga pamilya ng pinapatay.
May mga taong Simbahan na mas hiyáng sa etikal na propesiya. Mayroon ding namang mas hiyáng sa propesiya ng halimbawa. Walang problema kung magkaiba ang kanilang pagtugon sa sitwasyon. Umuusbong ang problema kung sasabihin ng isang panig na ang uri ng propesiya ng kabila ay hindi tama.
Paminsan-minsan, maririnig sa mga taong Simbahang mas hiyang sa etikal na propesiya, na ang nagpopropesiya sa pamamagitan lamang ng halimbawa ay nagkukulang sa pagpapanagot sa mga pumapatay. Kulang din daw sila sa pagpapanagot sa pamahalaan.
Sa kabilang banda, may maririnig din tayong mga taong Simbahan, na mas hiyang sa propesiya ng halimbawa, na nagsasabing ang mga etikal na propeta ay maingay lamang at mapanghusga, ngunit walang ginagawa tungkol sa problema. Wala raw karapatang tumuligsa ang Simbahan kung wala itong alternatibong solusyon. Sikapin na lang daw nating tahimik na tulungan ang mga biktima ng droga, at ang mga biktima ng kampanya laban sa droga.
Mga Kapanalig, may pagkukulang ang magkabilang pananaw na ito. Kahit ano pang ayuda ang ibigay sa gumagamit o nagtutulak ng droga para magbagong-buhay, kahit ano pang ayuda ang ibigay sa mga pamilya ng pinapatay, kapag hindi tayo magsalita laban sa mga pagpatay, para na rin nating sinabing “OK lang” ang pagpatay bilang solusyon sa problema ng droga. Para na rin nating sinabing tama ang mali, para nating pinipilit ituwid ang sadyang baluktot na.
Sa kabilang dako, kahit ano pang pagsasalita natin laban sa patayan, kapag hindi tayo naghahanap ng paraang tulungan ang mga biktima ng masamang droga at ang mga biktima ng kampanya laban sa droga, hindi natin lubusang malulutas ang problema.
Dapat magtulungan ang mga etikal na propeta at ang mga propeta ng halimbawa. Mainam pa nga kung ang mga etikal na propeta ay matutong maging propeta ng halimbawa, at kung ang mga propeta ng halimbawa ay matutong magsalita laban sa kasamaan.
Si Hesus, mga Kapanalig, ay ehemplo ng propetang gumaganap sa dalawang uri ng propesiyang ito. Mariin niyang tinutuligsa ang kasamaan at pinupuri ang kabutihan. Ngunit pinagagaling din niya ang maysakit, pinakakain ang nagugutom, pinatatawad ang maysala, dinadamayan ang nagdadalamhati, at binubuhay ang patay. Hindi natin kayang bumuhay ng mga patay, ngunit ang ibang pamamaraan ng propesiyang ginagawa ni Hesus ay kayang-kaya natin. Ipanalangin nating matuto tayong maging tunay na propeta ng Mabuting Balita.
Sumainyo ang katotohanan.