226 total views
Nababahala ang CBCP Episcopal Commission on Healthcare sa lumalalang epekto ng climate change sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Dan Cancino, isa itong senyales na dapat gumising ang tao mula sa pagiging makasarili nito ang isipin ang kapakanan ng kanyang kapaligiran.
Iginiit ng pari na madalas pagtuunan ng pansin ng mga tao ang pisikal nitong kalusugan subalit malimit namang napababayaan ang kalusugan ng kalikasan.
“Alam mo itong nangyayari ngayong Climate Change na very drastic itong nangyayari ngayon sa atin, ito ay senyales din lalong-lalo na on health na let’s try to be more involve not only sa health natin, pero sa health din ng ating kapaligiran. It’s not only yung kalusugan lang ng katawan pero yung kalusugan ng kapaligiran.” Pahayag ni Fr. Cansino sa panayam ng Radyo Veritas.
Noong ika 24 ng Mayo opisyal na idineklara ng weather bureau PAGASA na nagsimula na ang panahon ng tag-ulan sa bansa.
Ayon sa ahensya, matapos ang matinding epekto ng El Niño ay dapat nang simulan ang paghahanda para naman sa mgiging epekto La Niña.
Noong nakaraang taon, matapos tumama ang bagyong Lando at Nona sa Pilipinas ay naitala ng Department of Social Welfare and Development na umabot sa 1.9 na milyong indibidwal ang naapektuhan.
Base sa 2014 World Risk Report, sa buong mundo pumangalawa na Pilipinas sa mga bansang pinaka naaapektuhan ng climate change.
Nauna nang binigyang diin ni Pope Francis sa Laudato Si na dahil sa pagsasamantala ng tao sa kalikasan, tao rin ang nagiging biktima ng mga sakunang idinudulot nito.