22,891 total views
Hindi garantiya ng katapatan o kawalan ng korapsyon ang pagsasapubliko ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ito ang binigyang-diin ni dating Civil Service Commission (CSC) Chairperson Ricardo Saludo sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, kung saan ipinaliwanag niyang layunin ng SALN na makita ang pagbabago sa yaman ng isang opisyal.
Gayunman, nilinaw ng dating opisyal ng CSC na hindi nito agad pinatutunayan ang katapatan o integridad ng isang lingkod-bayan.
Ayon kay Saludo, maraming tiwaling opisyal ang nakaiiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng pagtatago ng kanilang ill-gotten wealth sa pangalan ng mga kamag-anak, kaibigan, o mga pinagkakatiwalaang tao.
“Puwedeng gumawa ng paraan para itago ang yaman. Ilalagay sa pangalan ng mga kamag-anak, mga kaibigan, [o] mga tauhan. At iyan po ang nangyayari. Mayroon pa ngang mga tinatawag na ‘bagman,’ at ang mga ‘bagman’ ay walang SALN,” paliwanag ni Saludo.
Ikinumpara rin niya ang ganitong sistema sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kung saan umano lumitaw ang mga “crony” na ginagamit para itago ang yaman ng mga makapangyarihan.
“Tama po na magkaroon tayo ng SALN at ipakita ito. Pero alam po natin na gagawa at gagawa ng paraan ang mga tiwali para maitago ang kanilang nililikom na salang yaman,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Saludo na may mga panganib sa labis na pagbubunyag ng SALN, dahil maaari itong magamit sa masamang paraan tulad ng kidnapping o pangingikil. Kaya, aniya, kailangang balansehin ang transparency at seguridad ng mga impormasyon.
Sa halip, ipinunto ni Saludo na mas epektibong labanan ang korapsyon kung mahuhuli ang mga tiwaling opisyal habang gumagawa pa lamang ng katiwalian—hindi kapag lumitaw na ito sa kanilang SALN.
“Madalas ay nahuhuli lang natin kapag bilyon-bilyon na ang nawawala. Dapat pagtuunan natin ng pansin ang preventive measures at maagang imbestigasyon,” giit ni Saludo.
co-author Lorenzo Maño




