15,052 total views
Nagpapasalamat si Puerto Princesa, Palawan Bishop Socrates Mesiona sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan sa pag-apruba sa ordinansang nagtatakda ng 50-taong mining moratorium sa lalawigan.
Ayon kay Bishop Mesiona, sapat na ang umiiral na operasyon ng pagmimina sa lalawigan, at hindi dapat ituring na hindi nauubos ang mga yamang mineral sa lugar.
Nagbabala ang obispo sa publiko laban sa negatibong epekto ng labis na pagmimina, na maaaring magdulot ng matinding pinsala sa kapaligiran at pagkaubos ng likas na yaman ng Palawan.
“What legacy will we leave for future generations of Palawenos if we deplete everything now? Additionally, we have witnessed the environmental damage caused by mining, and expanding mining operations would undoubtedly exacerbate the situation,” ayon kay Bishop Mesiona.
Ipinaliwanag din ni Bishop Mesiona na ang nasabing moratoryo o pansamantalang pagtigil sa pagmimina ay nagbibigay ng pag-asa at ipinagmamalaking hakbang upang mapanatili ang Palawan bilang isa sa nalalabing lugar sa Pilipinas na may napakayamang biodiversity, malawak na kagubatan, at may mahalagang tungkulin sa pagpapanatili ng balanse sa kalikasan.
“This moratorium instills a sense of pride and hope that our province, often referred to as ‘the last ecological frontier,’ can maintain its status for the current and future generations,” ayon kay Bishop Mesiona.
Samantala, ikinagalak din ni Save Palawan Movement advocate at Apostolic Vicariate of Taytay priest, Fr. Roderick Caabay, ang pagkakapasa sa ordinansa.
Gayunman, inamin ng pari ang pagkadismaya sa tagal ng proseso bago ito tuluyang maaprubahan.
Sinabi ni Fr. Caabay na noong matapos ang Mining Summit sa lalawigan, kanyang nakita ang matinding pagsuporta ng mga kinauukalan para sa kalikasan, kaya inakala ng pari na agarang maisusulong ang ordinansa, ngunit umabot pa ng apat na buwan bago tuluyang maipasa.
Ipinahayag din ng pari na ang sama-samang paninindigan ng mga Palaweño ang naging daan upang maisakatuparan ang matagal nang inaasam na mapahinto ang mapaminsalang pagmimina sa lalawigan.
“It took a lot of time—four months. Kung hindi pa tayo nag-pressure tingin ko hindi mangyayari na maipasa ngayon ang moratorium. So that speaks a lot of the hearts of those people sa Sangguniang Panlalawigan. Pasalamat na lang sa pressure natin, baka lang lumalim ‘yung pang-unawa, ‘yung commitment nila para sa kalikasan at sa Palaweño,” pahayag ni Caabay.
Magugunita noong Nobyembre 2024 nang manawagan ang dalawang Apostoliko Bikaryato sa Palawan, sa pangunguna nina Bishop Mesiona, Taytay Bishop Broderick Pabillo, at Taytay Bishop-emeritus Edgardo Juanich, para sa pagpapatupad ng moratoryo sa pagmimina sa lalawigan.
Sa bisa ng moratorium, pinatitigil nito ang 67 mining exploration applications na sumasakop sa mahigit 200,000 ektaryang lupain sa Palawan, gayundin ang 11 mining agreements na saklaw ang mahigit 29,000 ektarya.




