3,156 total views
Itinalaga ni Pope Leo XIV si Fr. Cyril Villareal ng Archdiocese of Capiz bilang bagong obispo ng Diocese of Kalibo.
Isinapubliko ng Vatican ang appointment ng pari nitong January 24 kung saan siya ang hahalili kay Bishop Jose Corazon Tala-oc, na nagretiro noong June 2025 matapos ang halos 14 na taong paglilingkod bilang pastol ng diyosesis.
Ipinanganak si Fr. Villareal noong March 1974.
Nagtapos ng philosophy sa St. Pius X Seminary sa Roxas City at theology naman sa University of Santo Tomas sa Maynila.
Naordinahang pari noong May 25, 2001.
Nagkamit din si Fr. Villareal ng master’s degree sa higher religious studies at licentiate naman sa sacred theology sa University of Santo Tomas, gayundin ng master’s degree sa theology sa University of Vienna.
Mula 2005 hanggang 2010, nagsilbi ang pari bilang assistant chaplain ng Filipino Catholic Chaplaincy sa Archdiocese of Vienna, at assistant priest sa Parish of Our Lady of Mount Carmel sa Vienna.
Bukod pa rito, siya ay naging assistant dean of theology ng Sancta Maria Mater et Regina Seminarium ng Archdiocese of Capiz sa Roxas City mula 2000 hanggang 2004.
Simula July 2024, itinalaga siyang kura paroko ng St. Thomas of Villanova Parish sa Dao, Capiz.
Nagsilbi rin si Fr. Villareal bilang vicar general ng arkidiyosesis sa panahon ng panunungkulan ni dating Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Nang mailipat si Cardinal Advincula sa Archdiocese of Manila noong June 2021, si Fr. Villareal ay nahalal na tagapangasiwa ng arkidiyosesis sa panahon ng sede vacante, isang tungkuling kanyang ginampanan hanggang sa maitalaga at maluklok si Archbishop Victor Bendico noong May 2023.
Bukod dito, nagsilbi rin si Fr. Villareal bilang rector ng Colegio de la Purisima Concepcion sa Roxas City.




