2,240 total views
Nananawagan ang Simbahan at mga civil society leaders sa pamahalaan na magtatag ng Truth Commission para imbestigahan ang mga pagpatay at paglabag sa karapatang pantao na may kinalaman sa kampanya kontra droga.
Kaugnay nito, papangunahan naman ni Cardinal Pablo Virgilio David, kasama ang mga balo, ulila, at nakaligtas sa mga biktima ng drug war ang isang press conference sa Biyernes, Nobyembre 7, 2025, ika-11 ng umaga sa Archbishop’s Palace, Villa San Miguel, Mandaluyong City.
Layunin ng pagtitipon na manawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumuo ng komisyon na tututok sa paghahanap ng katotohanan, hustisya, at tulong para sa mga pamilya ng mga nasawi.
Ang panawagan ay bunga ng isinasagawang multi-sectoral workshop noong Oktubre 10, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa simbahan, paaralan, media, kabataan, negosyo, at iba pang samahan.
Ayon sa mga tagapagtaguyod, mahalaga ang Truth Commission para maipakita ang buong katotohanan at maibalik ang tiwala ng taumbayan sa hustisya.
Para sa karagdagang detalye, maaaring makipag-ugnayan sa Truth Commission Secretariat sa [email protected].
Matatandaan namang 15 taon na ang nakakalipas nang ipag-utos ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang pagtatag ng Philippine Truth Commission sa bisa ng executive order no. 1 na nilagdaan noong July 30, 2010.
Layunin ng komisyon ng pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa malawakang korupsyon sa pamahalaan sa ilalim naman ng sinundan nitong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.




