1,470 total reads
Inihayag ni Nueva Segovia Archbishop David William Antonio na hindi pa nalalampasan ng Simbahang Katolika ang Vatican II; sa halip ay kailangan pa itong patuloy na unawain.
Sa kanyang keynote address sa ika-40 National Meeting of Diocesan Directors of Liturgy (NMDDL), sinabi ng chairman ng CBCP Episcopal Commission on Liturgy na ang liturgical renewal ay hindi isang natapos na programa kundi patuloy na pananagutan ng buong Simbahan.
“The truth is: The Church has not moved beyond Vatican II. We must continue learning what Vatican II means if we are to become the Church we are called to be,” pahayag ni Archbishop Antonio.
Binigyang-diin ng arsobispo na ang reporma sa liturhiya ay hindi lamang nakasentro sa usapin ng wikang ginagamit sa Misa, sa pagharap ng pari sa sambayanan, o sa pagbabago sa mga ritwal, kundi dapat ding nakatuon kay Kristo.
“The issue is not just about making the Mass and the other liturgical celebrations more interesting. It is about how the Church can become more fully what she is through the celebration of the Paschal Mystery,” ani Archbishop Antonio.
Ayon sa kanya, ang pananaw ng Vatican II sa liturhiya ay higit na malawak kaysa sa seremonya lamang sapagkat ito ay nababatay din sa teolohikal, eklesyolohikal, pastoral, kateketikal, kultural, at misyonerong mga aspeto.
Nagbabala rin si Archbishop Antonio laban sa pagsukat sa tagumpay ng gawaing pastoral batay lamang sa dami ng nagsisimba, tumatanggap ng Komunyon, o nakikilahok sa prusisyon.
“Attendance must lead to genuine participation and participation in liturgy must translate into a way of Christian existence,” giit ng arsobispo.
Aniya, ang pagiging maraming lingkod sa parokya ay hindi tunay na sukatan at hindi nangangahulugan ng tunay na pakikibahagi ng sambayanan.
Nanawagan din ang arsobispo ng mas malalim na pagbubuklod ng tradisyon, kagandahan, katahimikan, paggalang at aktibong pakikilahok sa pagdiriwang ng liturhiya.
Binigyang-diin ni Archbishop Antonio na ang kagandahan at pakikibahagi sa liturhiya ay hindi magkakatunggali, kasabay ng babala na ang pag-aakalang mabuti ang liturhiya kapag ang lahat ay abala sa isang gawain at ang paniniwalang mabuti lamang ito kapag ang lahat ay nakabatay sa sinauna at hiwaga.
Sa usapin ng pagbabalik sa mga lumang anyo ng pagsamba, mariing ipinaliwanag ng arsobispo na ang tradisyon ay dapat maibalik sa paraan ng kasaysayan at hindi romantically.
“The task before us is not to return nostalgically to 1962. Nor is it to abandon tradition in the name of relevance,” paliwanag ni Archbishop Antonio.
Batid ni Archbishop Antonio na ang hamon sa Simbahan ay pagsasabayin ang tradisyon at lehitimong pag-unlad, ang pagiging Katoliko at pagkakaibang pangkultura, gayundin ang paggalang at pakikilahok sa liturhiya.
Hinikayat ng arsobispo ang mga tagapangasiwa ng liturhiya na paunlarin ang lehitimong inculturation, kung saan naipapahayag ang pananampalataya sa pamamagitan ng wika, musika, sining, at mga karanasan ng iba’t ibang pamayanang Filipino.
Inanyayahan ng arsobispo ang mga tagapangasiwa ng liturhiya na huwag lamang pagtuunan ang mga panlabas na anyo ng pagdiriwang, kundi suriin kung anong uri ng Simbahan ang ipinamamalas sa kanilang mga pagsamba.
“What kind of Church is your liturgy revealing?” tanong ni Archbishop Antonio. “Is it a Church of spectators or of conscious and active participants?”




