5,244 total views
Pinaalalahanan ni Tandag Bishop Raul Dael ang mga seminarista na paigtingin ang pananalangin upang higit maramdaman ang kalinga ng Diyos.
Inihalintulad ng obispo ang buhay ng mga banal na sa kabila ng mga kahinaan ay patuloy nagtitiwala sa kalinga ng Panginoong nakikilakbay sa bawat misyong kinakaharap.
Binigyang diin ni Bishop Dael na ‘vocation is a way of life’ kaya’t dapat na ibinigay ang pinakanararapat sa Diyos.
“We pray not because we want to change the mind of God. Prayer doesn’t work that way. When we pray, God changes us. A person who is prayerful is a person who is discerning—sensing the will of God and following it,” bahagi ng pahayag ni Bishop Dael.
Sinabi rin ng obispo na kaakibat ng matatag na pananampalataya ang mga matitinding hamong makayayanig sa pagkapit sa Panginoon subalit ito ang mga pagkakataong mas lalong magpapatibay sa ugnayan ng tao at Panginoon.
Pinagnilayan sa 13th Gathering of Theology Seminarians in the Visayas (GTSV) na ginanap sa Seminario Mayor de San Carlos (SMSC) sa Cebu City ang temang ‘OREMUS: Embracing Prayer Through Encounter.’
Isa si Bishop Dael sa mga nagbigay ng panayam sa mga Theology seminarians ng Visayas na binuksan noong October 7 at nagtapos nitong October 11 sa minsang pinangunahan ni Cebu Archbishop Jose Palma sa Venerable Teofilo Camomot Shrine sa Carcar City, Cebu.
Isinasagawa ang GTSV tuwing ikalawang taon mula noong taong 2000 na layong palalimin ang ugnayan at bahagi ng paghuhubog sa mga magiging pastol ng simbahang katolika.