17,933 total views
Umapela ang Archdiocese of Manila kay Fr. Alfonso Valeza na sundin ang kautusan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula makaraang alisin bilang parish administrator ng St. Joseph Parish sa Gagalangin Tondo para tupdin ang mga programang inilalaan sa kanya.
Ayon kay Archdiocese of Manila Vicar General at Moderator Curiae Fr. Reginald Malicdem, dapat isabuhay ni Fr. Valeza ang sinumpaan noong ordinasyon na kahandaang sumunod sa pinunong pastol ng arkidiyosesis.
Inalis ng arkidiyosesis ang pari sa parokya dahil sa paulit-ulit na hindi pagsunod sa mga panuntunang inihabilin bilang parish administrator.
Ipinaliwanag ni Fr. Malicdem na ang mga desisyon ni Cardinal Advincula ay para sa ikabubuti ng mga pari at ng simbahan kaya’t nararapat itong sundin.
“Nakikiusap ako kay Fr. Al na sana sumunod tayo sa ating obispo, hindi naman gagawa ng desisyon si Cardinal o sinumang obispo para sa ikasisira natin at ng simbahan. Fr. Al let us obey and it takes a lot of humility to obey,” pahayag ni Fr. Malicdem sa Radio Veritas.
Nitong June 4, nagtungo ang mga kinatawan ng audit team ng Archdiocese of Manila kabilang na si Fr. Gilbert Cabigting para sa isasagawang transition subalit hindi pa rin ito sinunod ni Fr. Valeza at piniling manatili sa parokya.
Bukod sa audit team dumating din sa parokya si Bishop Antonio Tobias na inatasan ni Cardinal Advincula na pamunuan ang Commission on Clergy Concern kasama ang dalawang paring canon lawyers na hindi kasapi ng RCAM para sa mas patas na imbestigasyon hinggil sa mga paratang ni Fr. Valeza laban sa ilang lingkod ng arkidiyosesis.
Muling binigyang diin ni Fr. Malicdem ang pangakong pagsunod ng pari sa mga obispo alinsunod na rin sa isinasaad sa canon law [Can. 273 Clerics are bound by a special obligation to show reverence and obedience to the Supreme Pontiff and their own ordinary.
Apela naman ni Fr. Malicdem sa mananampalataya ng Gagalangin na tumalima sa inaatas ng cardinal para sa kabutihan at pagbubuklod ng kristiyanong pamayanan sa lugar.
“Sa komunidad din naman ng St. Joseph Parish – Gagalangin, we appeal na sana sumunod din tayo sa desisyon ni Cardinal kasi sa bandang huli siya yung pastol sa ating archdiocese, yung kanyang desisyon ay para sa ikabubuti ng lahat, ang nais lang naman niya ay mapag-isa ang community. Magtulungan tayo para maayos at ma-unify natin ang ating parokya,” dagdag ni Fr. Malicdem.
Kaugnay nito, inilabas ng Archdiocese of Manila ang kautusan ni Cardinal Advincula na nilagdaan ni Fr.Isidro Marinay, chancellor ng Archdiocese of Manila na epektibo June 5,2024 ay suspendido ang priestly faculties ni Father Valeza.
Read: https://rcam.org/statement/?fbclid=IwZXh0bgNhZW0CMTAAAR0RiVGLOW1CVsRyeEbcl