594 total views
Mga Kapanalig, sa tuwing sumasapit ang buwan ng Oktubre, agad na sumasagi sa ating isip ang pagdiriwang sa mga paaralan ng United Nations Day. Ngayon po, Oktubre 24, ang araw na iyon. Noong inyong kabataan, nakasama marahil kayo sa parada habang iwinawagayway ang maliit na watawat. O kaya naman, minsan ay binihisan ninyo ang inyong anak ng national costume ng bansang kinakatawan ng kanilang klase.
Mahalagang malaman na sa likod ng taunang pagdiriwang na ito ay ang masalimuot na kasaysayan at malalim na kahulugan ng pagkakaroon ng United Nations o UN. Itinatag anng UN noong 1945 habang bumabangon ang buong mundo mula sa pagkawasak at pagkakahiwa-hiwalay na dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pagbuo ng UN ay umusbong sa hangaring maiwasan ang pagsiklab muli ng mga digmaan, ang pagkamatay ng milyun-milyong tao dahil sa mga tunggalian, at ang pagsasantabi sa mga karapatang pantao. Mula sa 51 bansa, ang UN ay binubuo na ngayon ng 193 na bansa. Ang Pilipinas ay isa sa mga founding members ng organisasyon.
Hindi isang pandaigdigang pamahalaan ang UN at hindi rin ito gumagawa ng mga batas na ipatutupad ng mga bansa. Ngunit sa pamamagitan ng organisasyong ito, ang mga kasaping bansa ay nagkakasama-sama at nagkakasundo sa paghanap ng mainam na solusyon sa mga suliraning pagdaigdig katulad ng kahirapan, matinding gutom, at climate change. Ang UN din ang naging pangunahing tagapagsulong ng Millenium Development Goals o MDGs na ngayon ay pinalawak at tinawag nang Sustainable Development Goals o SDGs. Ang mga layuning ito ay napagkasunduang sama-samang kamtin ng mga bansang kasapi ng UN sa loob ng itinakdang panahon.
Sa tulong ng UN, marami na ring krisis ang naiwasang lumalâ. Namagitan ito sa mga pakikipagnegosasyon sa mga nag-aalitang bansa, at nagpapadala ng mga peacekeeping forces upang tiyaking ligtas ang mga mamamayang naiipit sa giyera. Nariyan din ang UN upang magbigay ng ayuda sa mga bansang nasalanta ng mga kalamidad gaya ng Pilipinas. Maliit ngunit makahulugang bagay ang taunang pagdiriwang ng United Nations Day upang ipaalam sa buong mundo ang mithiin at mga nagawa ng UN sa pagtataguyod ng karapatang pantao, kaunlaran, at kapayapaan sa mundo.
Kinikilala ng Santa Iglesia ang mga organisasyong gaya ng UN na itinatag upang tiyakin ang kapakanan ng mga kasapi ng pandaigdigang pamayanan o international community. Sa kanyang mensahe noong World Day of Peace noong 2004, kinilala ni St John Paul II ang malaking ambag ng UN sa pagsusulong at pagtataguyod ng paggalang sa dignidad ng tao, ang kalayaan ng mga mamamayan, at ang mga batayan sa pagkamit ng kaunlaran, at samakatuwid ay inilalatag nito ang landas patungo sa pagbubuo ng kapayapaan. Kaisa ang Simbahan sa adhikain ng UN na magkaroon ng isang tunay na pandaigdigang pamayanan kung saan ang mga bansa—malaki man o maliit, mayaman man o mahirap—ay sama-sama at tulong-tulong sa pagpapabuti ng buhay ng kanilang mamamayan.
Sa panahon natin ngayon kung kailan napakaigting ng ugnayan ng mga bansa sa iba’t ibang larangan gaya ng ekonomiya, pulitika, at kultura—dala na rin ng globalisasyong pinabibilis ng pag-unlad sa teknolohiya at pagbabahaginan ng mga impormasyon—mahalagang isaisip na ang isang bansa ay hindi nabubuhay para sa sariling interes lamang nito (o para sa interes ng mga namumuno nito). Mahalaga ang pagkakaroon ng isang pandaigdigang organisasyon gaya ng UN dahil nasusubaybayan nito ang mga bansang naglalatag ng mga patakaran at nagpapalakad ng mga programang maaaring ilagay sa alanganin ang karapatan, kalayaan, at ang buhay mismo ng mga tao. Kaya’t makatutulong na unawain natin ang ginagawa at iniaambag ng UN sa atin bago natin husgahan kung sinasagkaan nga ba nito ang ating paglago bilang isang malayang bansa.
Sumainyo ang katotohanan.