14,752 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, Ika-7 ng Marso, Lk 11:14-23
Pinagaling daw ni Hesus ang isang pipi kaya nakapagsalita ito. Ang dating walang imik ngayon ay nagkaroon ng tinig. Ano ang reaksyon ng iba? Trabaho daw ng dimonyo ang pagpapagaling na ginawa niya.
Madalas pa ring mangyari ang ganyan kahit sa panahon natin. Noong kasagsagan ng EJK, marami ding nabulag, napipi at nabingi—walang nakita, walang narinig, walang masabi. Kahit alam nila na hindi totoong nanlaban ang mga tinokhang diumano na “drug suspect”, na pinatay talaga sila nang walang kalaban-laban. Sa lugar na dikit-dikit ang mga bahay maraming nakakakita, nakakarinig. Maraming witness na nakakasaksi sa mga pangyayari. Pero bakit sila tumahimik? Siyempre naman, sino ba’ng hindi matatakot na baka balikan sila? Baka pamilya nila ang pag-initan? Pag di na makita ng tao ang pagkakaiba ng tama at mali. Pag nanatiling neutral o ayaw pumanig ng tao sa labanan ng mabuti at masama, alin ang mananalo sa labanan? Natural, edi ang masama. Kaya ang pananatiling neutral sa labanan ng tama at mali ay katumbas na rin ng pagpanig sa masama.
Ito ang ibig sabihin ni Hesus sa salitang, “Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin; ang hindi ko kasamang nagtitipon ay kasamang nagkakalat.” Tinawag ito ni San Ignacio de Loyola na digmaan ng dalawang bandila: the battle between two standards—ang bandila ni Kristo at bandila ni Satanas.
Sa unang pagbasa, ipina-paalala ng awtor kung ano ang kailangan kung ibig natin na manalo sa labanan: makinig daw sa tinig ng Diyos. Ang mga labanan sa buhay ng tao, madalas ay parang larong hampas-palayok (hit the pot). Ang challenge ay kung paano ka makakalapit sa palayok at makakahampas dito habang nakapiring ang iyong mga mata. Maraming boses na sumisigaw sa paligid mo, nakakalito; ang iba sa kanila kusa kang inilalayo sa palayok, kasi hindi naman ikaw kundi ang anak nila ang gusto nilang papanalunin. Ang sikreto, kung ibig mong manalo sa laro ay makinig nang mabuti sa isang tinig lamang, kilalanin mabuti ang boses na ito—boses ng kaibigan, kapatid o ng tatay. Alin sa mga tinig na sumisigaw ang dapat pakinggan, alin ang maglalayo sa iyo sa palayok, at alin ang gagabay sa iyo patungo sa palayok?
Napagaling ni Hesus ang pipi; nabigyang boses ang dating tahimik. Obvious ba kung bakit hindi lahat matutuwa at mayroong magsasabing trabaho ng dimonyo ang ginagawa niya? Pwede talagang pareho lang ang tinitingnan pero iba ang nakikita ng tao. Ang mabuti sa paningin ng ilan ay masama sa paningin ng iba. Ang trabaho ng Diyos para sa ilan ay mukhang trabaho ni Satanas para sa iba, lalo na doon sa mga hindi marunong kumilatis. Sa unang pagbasa, binabatikos ng manunulat ang bayang matagal nang pinalaya sa Egipto pero ugaling alipin pa rin. Kaya nga sa panahon natin, sa social media, ang kasinungalingan ay naipapalaganap bilang katotohanan. Hindi naman lahat marunong kumilala sa pagkakaiba ng information sa disinformation.
Sabi ng Salmo 95, “Kung sa araw na ito ay marinig ninyo ang tinig ng Panginoon, huwag sanang manatiling matigas ang inyong mga puso katulad ng inyong mga ninuno nang sila’y nasa disyerto pa, nang ako’y hamunin at udyukin nila. Matagal kong binatá ang bayang ito, lumilihis ang kanilang mga puso, hindi alam ang aking mga landas, kaya’t sa galit ko’y aking naisumpa, “Hindi sila makapapasok sa aking pahinga. Hindi sila mapapayapa.”