238 total views
Tiniyak ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi kinakailangan suspendihin ang mga gawaing simbahan sa Pilipinas.
Ito ayon kay CBCP-vice president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ay sa kabila ng patuloy na banta ng Corona Virus Disease o COVID-19.
Ipinaliwanag ng Obispo na bagama’t tuloy ang mga gawaing simbahan ay tiniyak nito ang ilang mga isasasagawang pag-iingat upang hindi na kumalat ang sakit.
“Itong darating na Kwaresma, hindi naman natin kakanselahin ang mga misa, ang ating mga pagdriwang pero meron tayong mga kaunting pag-iingat na gagawin,” ayon kay Bishop David.
Sa ika-26 ng Pebrero, ipagdiriwang ng simbahang Katolika ang Ash Wednesday o ang pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.
Sinabi ni Bishop David na sa halip ang pagpapahid ng abo sa noo ay maaring ibudbod na lamang ito sa bumbunan ng mananampalataya.
Hindi rin nirerekomenda ang paglalagay ng ‘agua bendita’ sa mga lalagyan sa bukana ng simbahan, sa halip ay hintayin na lamang ang pagwiwisik ng holy water sa mga mananampalataya.
Naunang sinuspinde ang misa at mga gawaing pangsimbahan ng Diocese ng Hongkong at Archdiocese of Singapore dahil na rin sa panganib na dulot ng COVID-19.(Marian Navales-Pulgo)