102,282 total views
Mga Kapanalig, simula nang makulong si dating Pangulong Duterte sa The Hague, naging mulat na tayo sa ating mga obligasyon sa pandaigdigang larangan. Mula sa pakikipagtulungan na maipatupad ang arrest warrant hanggang sa pagharap ng dating pangulo sa International Criminal Court na humantong sa iba’t ibang pagkilos bilang pagsuporta o pagtuligsa sa kanyang pagkakakulong, masasabi nating napalalim kahit papaano ang ating pagkaunawa sa ating international relations and obligations.
Nitong mga nakaraang linggo, may dalawang pangyayaring nagbigay-diin sa mga tungkulin ng ating bansa bilang bahagi ng pandaigdigang komunidad.
Una ay ang 17 Pilipinong inaresto sa Qatar dahil sa hindi awtorisadong pagkilos bilang pagpapakita ng suporta kay dating Pangulong Duterte. Sila ngayon ay pinalaya na at hindi na itinuloy ang mga kaso laban sa kanila sa tulong ng ating pamahalaan.
Pangalawa ay ang pag-aresto sa isang Russian vlogger matapos kunin ang sumbrero at baril ng dalawang security guards. Tinangka rin niyang nakawan ang isang babae. Ilan lamang ang mga ito sa kanyang mga panggugulo at pangungutya sa mga pampublikong lugar para lang makagawa ng content sa kanyang YouTube channel. Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang dayuhang vlogger ay mananatili muna sa bansa upang harapin ang kanyang mga kaso. Hindi muna siya ide-deport pabalik sa Russia.
Sa dalawang pangyayaring ito, naging bihag ang mga dayuhan sa ibang bansa. Hindi ito dahil sa digmaan o terorismo. Nakulong sila dahil sa sariling kapabayaan at lantarang paglabag sa mga batas ng kanilang host countries.
Kinikilala sa katekismo ng Simbahan ang obligasyon ng mga dayuhan na igalang ang kultura at sundin ang mga batas ng mga bansang nagpapatulóy sa kanila. Nakaugnay din sa obligasyong ito ang karapatan ng isang host country na panatilihin ang kaayusan at kabutihang panlahat ng kanilang bansa gamit ang mga batas nito.
Ang pagkakakulong ng mga kababayan natin sa Qatar at ang pagdakip sa dayuhang vlogger na bumibisita sa Pilipinas ay nagtuturo sa atin ng isang mahalagang leksyon: kaakibat ng ating karapatang pumunta sa ibang bansa para magtrabaho o mamasyal ay ang tungkulin nating sundin ang kanilang mga batas at kultura.
Isipin natin ang kaso ng Russian vlogger ay katulad lang naman ng sa ating mga kababayan sa Qatar. Sila ay mga dayuhang nagprotesta nang walang pahintulot ng pamahalaan ng Qatar. Sa Pilipinas, ang dayuhang Russian vlogger naman ay nanggulo sa mga pampublikong lugar at tila walang pagsisisi kahit nasa kamay na ng awtoridad. Hindi katanggap-tanggap na gawain o pag-uugali ang mga ito kung tayo ay nasa ibang bansa dahil nagiging bahagi tayo ng kaguluhang nakaapekto sa mga mamamayan ng ibang bayan.
Maging responsableng bisita o manggagawa tayo sa ibang bansa, at ganito rin dapat ang mga dumadayo sa ating bansa. Hindi dapat balewalain ang mga umiiral na batas. Naniniwala tayo bilang mga Pilipinong Katoliko na nagiging ganap ang ating mga karapatan kung kinikilala, sinusunod, at iginagalang din natin ang mga obligasyong nakakabit sa mga ito.
Kaya mga Kapanalig, katulad ng mga Israelita sa Babilonia, pinaalalahanan tayo sa Jeremias 29:7 na “pagyamanin ang lungsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila’y umunlad.” Sa kanilang pakikipagtulungan at paggalang sa kultura at batas ng kanilang host country, hinuhubog ng Diyos ang sinumang dayuhan para maging bahagi ng kaunlaran at kabutihang panlahat ng binibisita nilang bansa dahil sila ay makikinabang din rito. Bahagi ng karapatang mamalagi sa ibang bansa ay ang tungkuling pahalagahan ang kanilang sariling kultura at pagkakakilanlan. Sa ganitong paraan, kapwa nagiging mabubuting mamamayan at dayuhan ang taong nasa alinmang bansa.
Sumainyo ang katotohanan.